VILLAR, NAGHAIN NG PANUKALANG HAZARD PAY AT INSURANCE PARA SA MEDIA WORKERS

NAGHAIN si Senator Mark A. Villar ng Senate Bill No. 2440 o “Media Workers Hazard Pay Act” na naglalayong magkaloob ng hazard pay at karagdagang insurance benefits sa mga media worker na nade-destino sa mga mapanganib na lugar at sitwasyong pang-emergency.

“Ang mga media worker ang nagsisilbing mata at tainga ng publiko sa panahon ng matitinding krisis at panganib. Kung inaasahan natin silang humarap sa panganib upang mapanatiling ligtas at may sapat na kaalaman ang ating mga kababayan, tungkulin din nating tiyakin na sila ay protektado, insured, at mayroong hazard pay para dito,” pahayag ni Villar.

Binanggit ng senador ang ilang insidenteng nagpapakita ng mga panganib na kinakaharap ng mga media worker sa kanilang trabaho.

Noong 2022, halos dalawang linggong naospital ang isang television reporter matapos magkaroon ng leptospirosis habang nagko-cover sa Payatas, Quezon City.

Noong 2024 naman, isang reporter na inatasang maghatid ng weather updates ang siya mismong binaha sa kanilang lugar at muntik nang hindi maisalba ang kanyang mga gamit.

Sa ilalim ng Senate Bill No. 2440, ang mga akreditadong media worker sa pampubliko at pribadong sektor na kinakailangang personal na mag-report mula sa mga lugar na may armadong labanan, distressed o liblib na istasyon, lugar na may paglaganap ng sakit, at mga lugar na idineklarang nasa state of calamity o emergency ay pagkakalooban ng hazard pay na hindi bababa sa ₱650 kada araw.

Ipagkakaloob ang hazard pay habang tumatagal ang mapanganib na assignment at hindi maaaring bawasan ang halaga nito.

Gayunman, hindi na makatatanggap ng hiwalay na hazard pay sa ilalim ng panukala ang mga media worker na kasalukuyan nang tumatanggap ng kapantay o mas mataas na benepisyo.

Oobligahin din ng panukala ang mga employer na magkaloob ng karagdagang insurance coverage, kabilang ang ₱200,000 death benefit para sa media worker na pumanaw habang ginagampanan ang kanyang tungkulin.

Mayroon ding hanggang ₱200,000 disability benefit para sa mga nagkaroon ng ganap o bahagya, permanente man o pansamantalang kapansanan dahil sa pinsalang natamo sa trabaho, at hanggang ₱100,000 medical insurance benefit para sa bawat sakop na media worker.

Makakatanggap din ng karagdagang bayad, alinsunod sa umiiral na mga batas at kinikilalang kalakaran sa industriya, ang mga media worker na kinakailangang magtrabaho nang lampas sa karaniwang walong oras kada araw o sa pagitan ng alas-10 ng gabi at alas-6 ng umaga.

Ayon kay Villar, matagal nang nararapat ipagkaloob ang mga benepisyong ito bilang pagkilala sa mabibigat na panganib na kinakaharap ng mga reporter, camera operator, technical personnel at iba pang media worker.

Sa panahon ng mga kalamidad at krisis, aniya, sila ang naghahatid sa publiko ng beripikadong impormasyon, opisyal na babala, mga hakbang sa disaster preparedness at mahahalagang emergency hotline.

“Sa likod ng bawat live report mula sa binahang komunidad, lugar na may armadong labanan, o lokasyong may paglaganap ng sakit ay isang media worker na piniling gampanan ang kanyang tungkulin sa kabila ng panganib.

Dapat kilalanin ang kanilang katapangan at serbisyo sa bayan sa pamamagitan ng mga benepisyo tulad ng hazard pay at insurance,” pagtatapos ni Villar.

(DANNY BACOLOD)

75

Related posts

Leave a Comment