SC KINALAMPAG NG LABOR GROUPS SA P85 WAGE HIKE

NAGPASAKLOLO sa Supreme Court (SC) ang iba’t ibang labor group upang hilingin ang pagpapawalang-bisa sa kautusan ng Pasig Regional Trial Court (RTC) na pumigil sa implementasyon ng P85 wage increase sa buong Metro Manila.

Ang pagpapawalang-bisa sa kautusan at pagpapalabas ng temporary restraining order (TRO) ang nakapaloob sa petisyong inihain ng Nagkaisa Labor Coalition.

Ayon sa grupo, posibleng maapektuhan ng pagpigil sa Wage Order No. 27 ang mahigit isang milyong manggagawa sa National Capital Region (NCR).

Hiniling ng mga petitioner sa SC na manghimasok sa usapin at atasan ang mababang hukuman na baligtarin ang desisyon nito.

Iginiit ng labor groups na labag sa batas ang TRO, habang tinukoy ang umano’y “transcendental importance, patent nullity, case of first impression, and public welfare and advancement of public policy” ng kaso.

Naninindigan din ang mga petitioner na walang hurisdiksyon ang regular na korte na pigilan ang proceedings ng wage board.

Iginiit nilang labag sa Article 126 ng Labor Code ang pagpapalabas ng TRO dahil nagtatakda ito ng limitasyon sa kapangyarihan ng mga lower court na maglabas ng injunction laban sa wage order.

Ayon pa sa grupo, magreresulta sa irreparable damage ang patuloy na pagharang sa implementasyon ng ₱85 wage increase para sa mga manggagawa sa Metro Manila.

Si Presiding Judge Marie Joyce P. Manongsong ng Pasig City Regional Trial Court Branch 152 ang naglabas ng TRO, na kalaunan ay inireklamo rin sa Judicial Integrity Office ng SC.

Nauna rito, dalawang malalaking korporasyon ang naghain ng petisyon laban sa wage increase—ang R-II Builders Incorporated na pag-aari ng construction magnate na si Dr. Reghis Romero II, at ang Readycon Trading and Construction Corporation ni President and General Manager Jesus F. Ignacio.

(JULIET PACOT)

59

Related posts

Leave a Comment