MAHIGIT apat na buwan na lang ay magaganap na ang paghahain ng certificate of candidacy (COC) ng mga tatakbo mula sa pagiging pangulo ng bansa hanggang konsehal ng bayan.
Ngunit, sabi nina Bise – Presidente Maria Leonor “Leni” Robredo, Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso at Senador Christopher Lawrence “Bong” Go na hindi pa nila iniintindi sa ngayon ang eleksyong darating.
Ang kanilang atensiyon ay nakatuon sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) hindi sa politika.
Pokaragat na ‘yan!
Sina Robredo, Moreno/Domagoso at Go ay mayroong interes na tumakbo sa pagkapangulo ng bansa sa halalang 2022.
Kung hindi sila nag-iisip, o nangangarap na tumakbo sa 2022, sigurado akong hindi mailalagay ang kanilang mga pangalan sa mga sarbey ng presidentiables.
Siyempre, ang kanilang magiging pinal na desisyon bago sumapit ang Oktubre ay babatay sa sarbey, kabilang na ang sarili nilang pasarbey, kung itutuloy nila ang pagtakbo sa pinakamataas na posisyon sa pamahalaan, o hindi.
Halimbawa, si Go ay nagbabantay kung gaganda ang kanyang iskor sa sarbey, bago siya magbigay ng “opisyal” at “pinal” na posisyon kung tatakbo siya sa pagkapangulo upang pumalit sa kanyang boss mula sa Davao City hanggang Malakanyang, o hindi.
Palaging napakababa ng iskor ni Go sa mga sarbey – mas mababa pa kay Robredo.
Walang ibang kahulugan ito, kundi ibinasura ng botanteng Filipino si Bong go.
Ayaw nilang maging pangulo si Bong Go!
Pokaragat na yan!
Sabi ni Go, higit niyang pinagtutuunan ang matinding suliranin ng bansa sa COVID-19 dahil isyu ito ng kalusugan ng mamamayang Filipino at ng bagsak na ekonomiya ng bansa.
Pokaragat na ‘yan!
Parehas sina Go at Leni Robredo ng sinasabi sa media.
Idiniin ni Robredo na hindi pa niya iniisip ang politika.
Hindi pa siya kumikilos para sa eleksyong 2022 dahil COVID-19 ang pokus ng kanyang tanggapan.
Pokaragat na ‘yan!
Bakit kasi hindi na lang aminin ni Robredo na hindi siya tatakbo sa pagkapangulo dahil palaging bagsak ang iskor niya sa mga sarbey.
Iba naman ang diskarte ni Moreno/Domagoso.
Hindi siya umaamin sa mga mamamahayag na ‘interesado’ siya sa pagkapangulo ng Pilipinas sa halalang 2022, ngunit maliwanag pa sa napakainit na sikat ng araw na ang regular na paglabas ng kanyang mga pahayag sa mga dyaryo, telebisyon, radyo at social media ay mistulang nagmamartsa patungo sa Malakanyang.
Hindi naman tayo ipinanganak kahapon upang hindi maintindihan ang ‘kahulugan’ at ‘layunin’ ng mga aksyon at diskarte ni Moreno/Domagoso sa media.
Malinaw na ang bawat ginagawa ni Moreno/Domagoso para raw sa Maynila ay kasama ang pagpapapogi niya sa media.
Si Moreno/Domagoso ay hindi nawawala sa ikatlo hanggang ikaapat na puwesto sa sarbey ng presidentiables.
Huwag naman ninyong gamitin ang masahol na suliranin sa COVID-19 upang lokohin ang mamamayang Filipino tungkol sa inyong mga ambisyon.
Mabuti pa itong si dating Senador Antonio Trillanes IV dahil hindi ipokrito.
Ipinalabas pa ni Trillanes sa media kamakailan ang kagustuhan niyang maging kandidato ng 1Sambayanan, o oposisyon, sa pagkapangulo kung pagiging gobernador ng Camarines Sur ang tatakbuhan ni Robredo sa 2022.
Kahit maraming galit kay Trillanes ay hindi ito nagpakipot na ipuwesto ang kanyang sarili sa convenors ng 1Sambayanan upang makarating sa huli ang kanyang ambisyong maging pangulo ng Pilipinas.
Pero, mas hanga ako kay dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. dahil hindi nito itinanggi ang kanyang interes na lumahok sa halalang 2022.
Inihayag ng kanyang kampo na ‘naghahanda’ sila para sa kandidatura ni Marcos sa halalang 2022.
Hindi lang sinabi ng kampo niya kung tatakbo si Marcos sa pagkapangulo, o sa pagkabise – presidente uli.
Sa ganyang pahayag, malinaw na hindi ipokrito, hindi nagpakipot at lalong hindi nagsinungaling si Marcos na wala pa sa isipan niya ang eleksyong 2022 dahil higit niyang pinag-uukulan ng pansin ay ang mga Filipino na nagkaroon ng COVID-19.
Wala siyang sinabi kahit kailan na hindi siya tatakbo sa pagkapangulo ng ating bansa sa 2022.
Hindi pa regular na lumalabas ang kanyang press statements sa media at hindi pa umiikot sa mga lalawigan si Marcos, ngunit simula nang magkaroon ng sarbey sa mga tatakbong pangulo sa 2022 noong Disyembre, 2020 ay palaging si Marcos ang pangalawa sa sarbey.
Malinaw na malinaw ang ‘nakasaad’sa napakainit na sikat ng araw na napakalayo ni Marcos sa bagsak na bagsak na iskor ni Robredo sa mga sarbey.
Sina Marcos at Robredo ang pangunahing magkalaban sa pagkapangalawang pangulo noong halalang 2016 kung saan inireklamo ni Marcos si Robredo sa Korte Suprema na nanalo dahil sa malawakang dayaan.
Si Davao City Mayor Sara Duterte Carpio ang nangunguna sa sarbey.
Kaso, ilang beses nang idiniin ni Sara sa media na wala siyang balak na tumakbong pangulo sa 2022.
148 