(NI DAHLIA S. ANIN)
NAGSAGAWA ng clean up drive sa Parola, Tondo, Maynila ang daan-daang volunteers at government agencies, sa pangunguna ng Department of Environment and National Reaources (DENR) na tinawag na “Tayo na sa Parola, Cleanup Operation”.
Ayon kay DENR Assistant Secretary Corazon Davis, ang cleanup drive ay may layuning malinis ang 225 metro ng coastal area ng Barangay 275 sa Parola.
Ito ang lugar kung saan nagtatagpo ang Manila Bay at Ilog Pasig na maraming basurang naiipon mula sa iba’t ibang lungsod sa Metro Maynila.
Kaya naman nanawagan ang DENR sa mga bagong halal na mayor, lalo na kay Manila Mayor Isko Moreno, na isama sa paglilinis ang mga ilog at karagatan na kanilang nasasakupan.
Sinabi ni Environment and Natural Resources Assistant Secretary Joan Lagunda, sana ay tumulong ang local government units para sa paglilinis ng maruruming estero sa lungsod ng Maynila.
Dagdag pa ni Lagunda, ngayong tag-ulan ay kailangan na itong malinis dahil siguradong kakalat muli ang basura sa Manila Bay.
Nanawagan din ang ahensya sa mga residente na huwag nang magtapon ng basura sa estero at ilog lalo na ang mga plastic dahil maari din itong makain ng mga isda.
Nagsagawa na din noon ng malawakang cleanup drive sa Manila Bay ang DENR at nitong Mayo lang ay naglinis din sila sa Baseco Compound kung saan aabot sa 2,500 na sako ng basura ang kanilang nakuha.
Mula nang maupo si Mayor Isko sa Maynila ay sinimulan na nitong linisin ang ilang siksikang lugar sa Maynila kasama ang Divisoria, Quiapo at Blumentritt at inalis ang mga illegal vendors at ang tambak na mga basura sa mga lansangan.
201