Digong pinagkaitan ng karapatan “UNLAWFUL ARREST”

(CHRISTIAN DALE)

GANITO inilarawan ni dating presidential spokesman Salvador Panelo ang pag-aresto kay dating pangulong Rodrigo “Digong” Roa Duterte para sa sinasabing krimen laban sa sangkatauhan.

Ang katwiran ni Panelo, hindi man lamang pinayagan ng Philippine National Police (PNP) ang isa sa mga abogado ni Digong na makita at makausap ito sa airport at kuwestiyunin ang legal na basehan ng pag-aresto.

Pinagkaitan din aniya ng legal representation si Digong.

“The PNP could not have a hard copy of the warrant of arrest. By not allowing one of his lawyers to meet him, the arresting could avoid being asked if they have the hard copy of the arrest warrant,” ayon kay Panelo.

“It is an illegal arrest because the ICC arrest warrant comes from a spurious source, the ICC, which has no jurisdiction over the Philippines,” aniya pa rin.

Ang naging pagkilos ng gobyerno ang magiging dahilan naman upang ang arresting team at ang public officials na nag-utos ng pag-aresto ay maging ‘criminally liable.’

Nauna rito, sinalubong ng warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC) si Duterte para sa krimen laban sa sangkatauhan.

Sa kalatas na ipinalabas ng Presidential Communications Office (PCO), sinabi nito na Martes ng madaling araw pa natanggap ng INTERPOL Manila ang opisyal na kopya ng warrant of arrest mula sa ICC.

Sa kanyang pagdating, inihain ng Prosecutor General ang ICC notification para sa isang arrest warrant sa dating pangulo.

Sa kabilang dako, ang mga opisyal ng Philippine National Police (PNP) na nagpatupad ng warrant ay tiniyak na may suot na body camera.

Nagbalik-Pinas si Digong matapos ang ilang araw na pamamalagi sa Hong Kong.

Byaheng The Hague?

Wala pang balido at solidong dahilan para ibiyahe papuntang The Hague, sa Netherlands si dating pangulong Rodrigo Duterte sa kabila ng pagkakadakip sa kanya ng International Police (Interpol) sa bisa ng warrant of arrest mula sa International Criminal Court (ICC).

Ayon kay dating presidential spokesman at Human Rights Lawyer Harry Roque, ilegal ang pag-aresto kay Duterte dahil hindi na miyembro ng ICC ang Pilipinas.

Dapat din aniyang idaan muna sa local courts ng Pilipinas ang proseso ng pag-aresto kaya hindi siya pwedeng idiretso sa The Hague.

Kailangan din aniyang magdesisyon ang Korte Suprema kung may bisa ang arrest warrant na ito laban sa dating pangulo.

Sinasabing may 15-pahina ang warrant of arrest na iprinisinta ng Interpol laban kay Digong.

Giit pa ng dating tagapagsalita, kung meron man warrant dapat hindi ito sikreto at makikita ito sa webpage ng ICC.

Nilabag Na Karapatan

Inalmahan naman ni Senador Christopher ‘Bong’ Go ang tinawag niyang paglabag sa mga karapatang pantao ni dating PRRD.

Ipinaalala ni Go na kasama sa karapatan ng sinomang aarestuhin na makausap ng kanyang mga abogado at masuri ng doktor.

Ginawa ni Go ang pahayag makaraang pagbawalan silang pumasok sa VIP lounge sa NAIA upang makausap ang dating pangulo.

Hindi rin pinayagan si Go na makapasok sa Villamor Air Base nang dalhin doon si Duterte.

Sa kabila nito, nananawagan ang senador sa mga tagasuporta ng dating pangulo na maging mahinahon at manatiling kalmado.

Umapela rin si Go na ipagdasal ang dating pangulo upang manatiling maayos ang kanyang kalusugan.

Maging si Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada ay nananawagan sa publiko na maging mahinahon para manatili ang kaayusan at katahimikan sa ating bansa.

Unang Hakbang Sa Katarungan

Samantala, itinuturing na unang hakbang pa lamang sa mailap umanong katarungan para sa mga inosenteng mamamayan na pinatay sa war on drugs ang pag-aresto kay Duterte.

Reaksyon ito ng Makabayan bloc sa Kamara matapos isilbi ang arrest warrant kay Duterte pagkalapag nito sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) mula sa Hong Kong kahapon ng umaga.

“The arrest of former President Rodrigo Duterte marks a concrete step towards accountability and justice for the countless victims of his bloody regime. This should serve as a reminder that those responsible for human rights abuses must face the consequences of their actions,” ani Rep. France Castro.

Matapos makumpirma ang pag-aresto kay Duterte, nagtipon-tipon ang pamilya at supporters ng mga biktima ng extrajudicial killing (EJK) sa Ina ng Lupang Pangako Parish sa Payatas, Quezon City para sa isang misa.

“Long-overdue at well-deserved ang pag-arestong ito,” ayon naman kay Rep. Raoul Manuel dahil matapos ang 8 taon mula nang kasuhan sa ICC ng crimes against humanity si Duterte ay lumabas na ang arrest warrant at agad itong ipinatupad ng Interpol.

Sinabi ni Manuel na maswerte si Duterte dahil may due process pa rin sa kanya na malayo sa sinapit ng mga biktima ng pekeng war on drugs na naging dahilan ng pagkamatay ng 30,000 katao kasama na ang 7,000 na napatay sa police operations dahil sa umano’y panlalaban.

“Huwag siyang manlalaban. Dapat lang harapin niya ang pang-uusig sa mga krimen niya sa taumbayan,” ayon pa sa mambabatas.

Ayon naman sa lead chairman ng Quad Committee na nag-imbestiga sa war on drugs na si Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, positibo ang epekto sa tiwala ng mamamayan sa hustisya lalo na ang pamilya ng mga biktima ng EJK ang pagkakaaresto kay Duterte.

“Ito ay patunay na sa ating bansa, sa Bagong Pilipinas, na walang sinoman ang nasa ibabaw ng batas. Ang pag-aresto kay dating Pangulong Duterte ay isang hakbang tungo sa katarungan para sa mga pamilyang nawalan ng mahal sa buhay dahil sa EJKs,” ani Barbers.

Suportado umano ng mga ito ang giyera sa war on drugs noong nakaraang administrasyon subalit hindi nila inakala na naging daan ito para abandonahin ng mga pulis ang kanilang motto na ‘serve and protect” at hindi iginalang ang karapatan ng mga biktima.

Inaresto Paglapag Sa NAIA

Kaagad isinailalim sa booking procedure ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) si Duterte makaraang maisilbi ang notice na dala ng mga kinatawan ng ICC sa paglapag nila sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) mula Hongkong sakay ng Cathay Pacific Airlines.

Bandang alas-9:20 ng umaga kahapon, Marso 11, 2025, dumating ang dating pangulo at ang kanyang grupo sa Maynila mula Hong Kong sakay ng Cathay Pacific CX 907.
Kasunod nito ay dinala ang grupo nina FPRRD sa holding area ng Villamor Air Base sa loob ng Philippine Air Force (PAF) headquarters.

Kinumpirma ng Malakanyang na natanggap nila ang warrant of arrest para kay FPRRD. Nabatid din na ang International Criminal Police Organization o Interpol (Manila) ang tumanggap ng official copy ng arrest warrant mula sa ICC bago magmadaling araw nitong Martes.

“Ang mga opisyal ng PNP na nagpatupad ng warrant ay tiniyak na may suot na body camera. Sa ngayon, nasa kustodiya na siya (Duterte) ng mga kinauukulan,” binahagi ng Presidential Communication Office (PCO) bagama’t hindi agad sinabi kung hanggang kailan mananatili ang dating presidente sa Villamor.

May mga umugong na ulat na posibleng agad ding ilalabas ng bansa si Duterte para ilagak sa kustodiya ng ICC o kaya nama’y ilalagay siya sa isang third-party destination o dalhin agad sa ICC headquarters sa The Hague sa Netherlands.

Ayon kay PAF spokesperson Maria Consuelo ‘Bon Nunag’ Castillo, “normal na ginagamit ang secured base facilities ng PAF para sa arrival o departure point air movements ng mga importanteng personalidad.”

“For operational security, we however defer to the concerned government agency responsible for this activity to confirm and give specific details. Thank you for your understanding,” ani Castillo.

Sinusugan ito ng tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na si Colonel Francel Margaret Padilla: “Yes, Sir. Legal and political developments involving former officials fall under the jurisdiction po ng appropriate government agencies.” (CHRISTIAN DALE/JULIET PACOT/DANG SAMSON-GARCIA/PRIMITIVO MAKILING/JESSE KABEL RUIZ)

25

Related posts

Leave a Comment