HINDI nangangahulugan na napatawad ng sambayanang Pilipino ang mga kalupitan ng diktador na si Ferdinand Marcos Sr., nang mahalal ang anak nito ito bilang Pangulo ng Pilipinas.
Ito ang iginiit ni Liberal Party (LP) president at Albay Rep. Edcel Lagman kaya wala aniyang karapatan ang batang Marcos na alisin sa holiday list sa Pilipinas ang Pebrero 25, o Edsa People Power Revolution.
“The electoral victory of Marcos Jr., whether deserved or not, is not a condonation of his father’s dictatorial misrule,” ani Lagman na naghain ng panukala na gawing permanenteng batas ang nasabing holiday dahil sa ngayon ay idinaan lang ito sa Executive Order (EO) noong 1999.
Ayon sa mambabatas, bagama’t hindi maaaring panagutin si Marcos Jr. sa kasalanan ng kanyang ama, ang inaasahan aniya ng taumbayan nang ihalal siya ay aminin ang paglabag sa batas ng amang diktador dahil ito lamang aniya ang daan para sa rekonsilyado, pagkakaisa at hustisya.
Gayunpaman, hindi aniya ito ginagawa ng batang Marcos kaya kailangang patuloy na alalahanin at ipagdiwang ang Edsa People Power Revolution dahil tagumpay ito ng sambayanang Pilipino na mapatalsik sa kapangyarihan ang diktador.
“Memorializing the EDSA People Power Revolution, which culminated in the peaceful ouster of the dictator Marcos Sr., does not reopen the wounds of conflict. It is the balm which soothes the wounds of division as we firmly resolve not to allow massive repression to wreak the nation again,” ayon pa kay Lagman.
Nilinaw rin nito na hindi away sa pagitan ng Marcos at Aquino kaya nagtipon ang mga Pilipino sa Edsa noong Pebrero 1986 tulad ng pinalalabas ng ibang kampo.
“It was a steadfast and heroic crusade of the Filipino people against the oppression and profligacy of the Marcos Sr martial law regime,” dagdag pa ng mambabatas kaya nararapat lamang na patuloy itong alalahanin.
(BERNARD TAGUINOD)
