DIREKTANG PAGMAMAY-ARI AT KONTROL SA MGA KUMPANYANG LUMAHOK SA MGA PROYEKTO SA DPWH ITINANGGI NI VILLAR

TINIYAK ni Senador Mark Villar na wala siyang direkta o kahit hindi direktang pagmamay-ari at kontrol sa anomang kumpanya na lumahok sa mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) noong siya ang kalihim ng ahensya mula 2016 hanggang 2021.

Sinabi ni Villar na nais niyang ituwid ang lahat ng mga impormasyon kasabay ng pagtiyak na suportado niya ang pagsusulong ng transparency at good governance.

Dahil dito anya ay handa siyang makipagtulungan sa anomang imbestigasyon sa bawat isyu dahil wala naman siyang itinatago at naniniwala siya sa accountability at due process.

Binigyang-diin ng senador na walang ni isa man sa kanyang mga kaanak ang nakakuha ng kontrata mula sa DPWH sa panahon ng kanyang panunungkulan.

Tiniyak pa niyang nakatuon lamang siya noon sa pagpapatupad ng mga reporma at pagbabalik ng tiwala ng publiko sa ahensya.

Kabilang sa mga hakbanging kanyang ipinatupad ay ang digitalisasyon ng lahat ng datos ng DPWH upang maging bukas at madaling ma-access ng publiko, pagbuo ng mga community group sa malalayong lugar upang magsilbing “mata at tainga” sa mga proyekto, at pagpapatupad ng 24/7 complaints hotline para marinig ang bawat hinaing ng mamamayan.

Bukod dito, ginamit din anya nila ang teknolohiya gaya ng drones para sa mas malinaw na monitoring, at inimbitahan ang iba’t ibang civil society organizations upang personal na makapagsuri ng mga proyekto sa iba’t ibang lugar.

Nangako rin ang senador ng buong suporta sa imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure at inanunsyo na maghahain siya ng panukalang batas na magmamandato ng paggamit ng universal drone monitoring para sa lahat ng malalaking proyekto ng pamahalaan.

(DANG SAMSON-GARCIA)

159

Related posts

Leave a Comment