DOJ, BINUSALAN SA KASO NI VP DUTERTE

TIKOM muna ang bibig ng Department of Justice (DOJ) at nagpasiyang huwag munang magbigay ng karagdagang komento kaugnay ng kaso ni Vice President Sara Duterte matapos ipagpaliban ng Quezon City Regional Trial Court (QCRTC) Branch 98 ang kanyang arraignment nitong Setyembre 11, 2026.

Kaugnay ito ng tatlong bilang ng kasong grave threats na isinampa laban kay Duterte kaugnay ng mga pahayag niya noong 2024 tungkol sa umano’y pagkuha niya ng isang tao na papatay kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez sakaling may mangyari sa kanya.

Ayon kay DOJ Spokesperson Polo Martinez, nirerespeto ng kagawaran ang naging hakbang ng korte na ipagpaliban ang arraignment habang hinihintay ang magiging desisyon ng Korte Suprema sa mosyong inihain ng kampo ng Bise Presidente.

“We will allow the judicial process to take its course,” ani Martinez.

Sinabi rin ni Martinez na maghihintay muna ang prosecution bago muling magbigay ng komento sa kaso.

“At this point, the prosecution will reserve further comment until the motion has been resolved,” dagdag niya.

Personal na dumalo si Duterte sa Quezon City RTC nitong Biyernes para sa arraignment, ngunit ipinagpaliban ito ng korte.

Ayon sa abogado ni Duterte na si Atty. Paul Lawrence Lim, kabilang sa mga dahilan ng deferment ang inihaing petition ng Bise Presidente sa Korte Suprema para sa temporary restraining order laban sa pagpapatuloy ng kaso.

Matatandaang isinampa ng DOJ noong Agosto ang tatlong counts ng grave threats laban kay Duterte kaugnay ng kanyang mga pahayag noong 2024 na nagbabanggit sa umano’y pagkuha niya ng isang tao upang ipapatay sina Pangulong Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Romualdez sakaling may mangyari sa kanya.

(JULIET PACOT)

70

Related posts

Leave a Comment