DOJ KINASUHAN SI TEO­DORO SA RAPE, ACTS OF LASCIVIOUSNESS

APAT na counts ng rape through sexual assault at isang count ng acts of lasciviousness ang isinampa ng Department of Justice (DOJ) laban kay Marikina 1st District Rep. Marcelino “Marcy” Teodoro sa Marikina City Regional Trial Court noong Huwebes.

Nag-ugat ang mga kaso sa magkahiwalay na reklamo ng dalawang babaeng pulis na nagsilbing security aides ni Teodoro sa magkaibang panahon.

Sa resolusyon ng DOJ, sinabi nitong may probable cause at reasonable certainty of conviction upang kasuhan si Teodoro. Inirekomenda nito ang pagsasampa ng apat na magkahiwalay na information para sa rape through sexual assault sa ilalim ng Article 266-A, paragraph 2 ng Revised Penal Code, at isang information para sa acts of lasciviousness sa ilalim ng Article 336.

Batay sa mga sinumpaang salaysay ng mga complainant na unang lumutang noong 2025, hindi umano isang beses lamang nangyari ang mga insidenteng kanilang iniulat.

Ayon sa unang policewoman, nagsimula umano ang sexual advances ni Teodoro ilang araw matapos siyang maitalaga bilang security aide nito. Inakusahan niya ang dating Marikina mayor ng paulit-ulit na hindi kanais-nais na paghawak at sexual advances habang ginagampanan niya ang kanyang tungkulin bilang close-in security.

Ang ikalawang policewoman naman ay unang naitalaga bilang security aide ng asawa ni Teodoro bago kalaunang mailipat sa kanya.

Sa kanyang salaysay, inakusahan din niya si Teodoro ng mga insidente ng non-consensual sexual touching at sexual assault habang naka-duty bilang security aide.

Magkahiwalay ang panahon ng pagkaka-assign ng dalawang policewoman kay Teodoro at magkahiwalay rin nilang iniulat sa mga awtoridad ang umano’y kanilang mga karanasan.

Lumabas din sa mga reklamo ang alegasyon na hindi lamang ang dalawang policewoman ang nakaranas o nakasaksi sa umano’y inappropriate sexual behavior ni Teodoro. Isinama rin ng mga complainant sa kanilang mga salaysay ang kanilang mga obserbasyon sa umano’y pakikitungo nito sa iba pang babaeng empleyado.

Mariing itinanggi ni Teodoro ang mga akusasyon at tinawag ang mga ito na “malicious and untrue” at “politically motivated.”

Sa kabila nito, nagpasya ang DOJ na may sapat na batayan upang dalhin sa korte ang mga reklamo at doon litisin ang mga kaso.

48

Related posts

Leave a Comment