Habang wala pang writ of preliminary injunction DOLE HINIKAYAT IPATUPAD NA DAGDAG-SAHOD

HINIMOK ni Atty. Ariel Inton ang Department of Labor and Employment (DOLE) na ipatupad na ang naantalang P85 wage hike habang wala pang naibibigay na writ of preliminary injunction ang korte.

Ang pahayag ni Inton ay kasunod ng inilabas na temporary restraining order ng Pasig City court na pumipigil sa pagpapatupad ng dagdag-sahod.

Ayon kay Inton, naglabas ang Regional Trial Court (RTC) ng Pasig City ng resolusyong pabor sa hinihinging preliminary injunction ng mga nagdemanda upang mapigil ang implementasyon ng P85 wage hike.

Gayunman, bago maipalabas ang mismong writ of preliminary injunction, inatasan ng korte ang mga petitioner na mag-post ng P10-billion bond.

Ibig sabihin, hangga’t hindi naipo-post ang P10-billion bond, wala pang writ of preliminary injunction na maaaring magpatigil sa pagpapatupad ng wage hike, ayon kay Inton.

Ipinaliwanag niya na ang bond ay magsisilbing panagot sa anomang danyos na maaaring matamo dahil sa injunction sakaling magpasya ang korte sa huli na hindi naman dapat ito ipinagkaloob.

Ayon kay Inton, maaaring kumuha ng surety bond ang mga nagdemanda, na pawang mga construction company, sa halip na direktang maglabas ng P10 bilyon.

Gayunman, kinuwestiyon niya kung may bonding company na may kakayahan at kahandaang garantiyahan ang naturang halaga sakaling matalo ang mga petitioner sa kaso.

Dapat din umanong tiyakin ng korte na may sapat na kakayahan ang bonding company na bayaran ang P10 bilyon kung mapatunayang may pananagutan ito sa mga manggagawa.

Sinabi ni Inton na hanggat walang naipo-post na bond, wala pang writ of preliminary injunction at maaari pa ring ipatupad ng DOLE ang wage hike order.

May inihain nang motion for reconsideration ang DOLE laban sa desisyon ng korte. Gayunman, ayon kay Inton, maaari pa ring maipalabas ang writ kung makapagpo-post ng kinakailangang bond ang mga petitioner.

Giit ni Inton, hindi dapat hintayin na lang ng DOLE ang mga nagdemanda na makapag-post ng bond at dapat itong gawin sa loob ng reasonable period.

Samantala, nagpahayag ng pangamba ang Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP) sa posibleng epekto ng pagkaantala ng wage hike sa mga manggagawa.

44

Related posts

Leave a Comment