LAW ENFORCEMENT AGENCIES PINAKILOS SA ZAMBOANGA SCHOOL SHOOTING

IPINAG-UTOS ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa law enforcement agencies ang masusing imbestigasyon sa pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University noong Martes ng umaga na ikinasawi ng dalawang estudyante.

Sa kalatas ng Office of the President (OP), sinabi ng Pangulo na kailangang matukoy ang mga hakbang upang maiwasang maulit ang insidente at hindi na maranasan ng ibang pamilya, paaralan at komunidad ang kaparehong trahedya.

“We grieve with the families and the entire Ateneo de Zamboanga community over a tragedy that should never have happened,” pahayag ni Marcos.

“Our schools are where we entrust our children to learn, to grow and to dream about the lives ahead of them. They must also be among the safest places in our country,” dagdag niya.

Sinabi rin ng Pangulo na makikipagtulungan ang pamahalaan sa mga paaralan at komunidad upang palakasin ang mga security measures para maprotektahan ang mga estudyante at matiyak na makapag-aaral sila nang walang pangamba.

Kinumpirma ng regional police ang naganap na pamamaril sa high school campus at agad na rumesponde ang mga awtoridad upang tiyakin ang seguridad sa lugar.

Ayon kay Zamboanga City Mayor Khymer Olaso, nangyari ang insidente dakong alas-8:30 ng umaga.

Batay sa paunang impormasyon, nakapasok umano sa campus ang suspek na may dalang high-powered firearm at .45 caliber pistol.

Sinabi ni Olaso na makikita umano sa video na unang tinangkang barilin ng suspek ang isang guro bago lumipat sa ibang silid at barilin ang isang estudyante.

Nasawi ang estudyante, habang namatay rin kalaunan ang umano’y gunman. Dalawa pang indibidwal ang posibleng nasugatan sa insidente.

Ayon pa kay Olaso, nakasuot umano ng body camera ang suspek at nagla-live stream habang isinasagawa ang pamamaril.

Patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang motibo sa krimen at kung paano naipasok sa campus ang mga armas.

Nagpatupad din si Olaso ng suspensyon ng klase kasunod ng insidente.

Samantala, nanawagan si Senate President Sherwin Gatchalian sa mga awtoridad na busisiin ang pamamaril at alamin kung paano nakuha at naipasok ng suspek ang dalawang baril sa loob ng school premises.

Hiniling din ni Gatchalian sa Department of Education at lokal na pamahalaan ang agarang pagbibigay ng psychosocial support sa mga estudyante at school personnel na naapektuhan ng insidente.

Nagpaabot ng pakikiramay ang Senate President sa buong Ateneo de Zamboanga community at nangakong makikipagtulungan sa sektor ng edukasyon upang matugunan ang karahasan sa mga paaralan.

Sa panig naman ni Senate Committee on Basic Education chairman Sen. Bam Aquino, sinabi niyang nakakadurog ng puso ang naganap na karahasan sa loob ng paaralan.

Bilang isang magulang, aniya, nakapanlulumo na ang lugar kung saan dapat nabubuo ang pag-asa at mga pangarap ng kabataan ay nagiging lugar ng takot at karahasan.

Nangako si Aquino na gagawin ang lahat upang hindi na maulit ang ganitong insidente.

Baril ng BOC official

Isang lisensyadong baril na pag-aari umano ng ama ng suspek ang isa sa mga armas na ginamit sa pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University High School campus.

Kinumpirma ni Bureau of Customs (BOC) Deputy Commissioner for the Enforcement Group Nolasco Bathan na isa sa mga baril na ginamit sa insidente ay BOC-issued.

Dalawang baril ang narekober, kabilang ang isang standard pistol at isa pang short firearm na nilagyan ng Roni Conversion Kit upang magmukhang rifle.

Sinabi ni Bathan na hindi pa niya nakakausap ang ama ng suspek, na isang dating opisyal ng BOC at nauna nang sinibak ni BOC Director Ariel Nepomuceno.

Batay umano sa impormasyong natanggap ni Bathan, nabigla ang ama sa nangyaring insidente.

Maaari rin umanong maharap sa administrative liability ang ama ng suspek dahil may obligasyon itong tiyaking maayos at ligtas na nakatago ang mga baril.

(CHRISTIAN DALE/DANG SAMSON-GARCIA/TOTO NABAJA)

69

Related posts

Leave a Comment