(NI ABBY MENDOZA)
NANAWAGAN si TUCP Party-list Rep Raymond Mendoza sa Department of Labor and Employment (DoLE) na isailalim sa inspeksyon ang lahat ng Philippine Offshore Gaming Operators(POGO) sa bansa kasunod na rin ng ilang insidente na kinasasangkutan ng ilang players nito.
Tinukoy ni Mendoza ang pagkamatay ng isang Chinese national na nahulog mula sa ikaanim na palapag ng isang gusali sa Las Piñas at nakatali ang dalawang kamay noong August 9.
Giit ng mambabatas responsibilidad ng DoLE na igalang ang karapatan ng bawat manggagawa anuman ang nationality nito lalo na sa harap umano ng sunud-sunod na insidente ng torture, kidnapping at pagiging alipin sa trabaho sa kabila ng panlilinlang na tatanggap sila ng malaking sahod.
Bilang isang bansa na nagpapaalis ng milyun-milyong OFWs na hindi hinahayaang maloko sa ibayong dagat ay dapat aniyang tiyakin din na hindi mabibiktima ng exploitation ang legal foreign workers.
Nais ni Mendoza na masilip kung tumatalima sa batas na nagbibigay-proteksyon sa mga manggagawa ang 56 na rehistradong POGOs sa bansa.
Hiniling din nito na magsagawa ng audit ang Bureau of Immigration (BI) para masigurong hindi binibiktima ng mga kompanya ang holders ng Alien Employment Permits(AEPs).
Sa datos ng DoLE ay nasa 54,241 AEPs ang naipagkaloob ng ahensya noong 2018 at patuloy pa itong nadaragdagan dahil na rin sa paglaganap ng POGO.
