HINIKAYAT ni Senador Win Gatchalian ang Philippine Network Foundation, Inc. (PHNet) na agad tugunan ang problema sa distributed denial of service (DDoS) attack na nagdudulot ng kahirapan sa pag-access ng mga .edu.ph domain ng mga institusyong pang-edukasyon.
Ayon sa senador, mahalagang bigyang-prayoridad ang agarang pag-restore ng online services ng mga apektadong institusyon.
Hinikayat din niya ang Department of Information and Communications Technology (DICT) at ang Cybercrime Investigation and Coordination Center (CICC) na magsagawa ng masusing imbestigasyon sa mga insidenteng ito at ipaalam sa publiko ang tunay na kalikasan ng problema, lalo na kung may seryosong banta ito sa cybersecurity ng mga institusyon.
“Napakahalaga ng ligtas at tuluy-tuloy na pag-access sa mga website ng mga institusyong pang-edukasyon, lalo na sa panahon ngayon kung kailan ang online learning ay mas nagiging karaniwan at karamihan ng mga transaksyon ay ginagawa na rin online,” saad ni Gatchalian.
Iminungkahi rin ng senador na magpatupad ng mas kolaboratibong sistema sa pamamahala ng .edu.ph DNS upang mabilis na matugunan ang anomang aberya at mapanatili ang continuity ng edukasyon sa pamamagitan ng mas maayos na transparency at komunikasyon.
Idinagdag pa ng mambabatas ang pangangailangan na maisabatas ang proposed Critical Information Infrastructure Protection Act.
Ang panukalang ito ay naglalayong magtakda ng minimum information security standards at magtatag ng pambansang mekanismo para sa pagtugon sa mga emerhensiya sa cybersecurity.
“Sa gitna ng mabilis na pagsulong ng online learning, dapat maging pangunahing prayoridad ang seguridad at kontinuwidad ng mga serbisyong online ng mga institusyong pang-edukasyon,” dagdag ng senador.
Nakasubaybay naman si Gatchalian sa mga susunod na hakbang upang masiguro ang proteksyon ng mga sektor na may mahalagang papel sa edukasyon ng bansa. (DANG SAMSON-GARCIA)
