IPINAG-UTOS ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa Department of Budget and Management (DBM) at Department of Public Works and Highways (DPWH) na magsagawa ng malawakang pagsusuri sa badyet ng DPWH sa ilalim ng 2026 National Expenditure Program (NEP).
Sa press briefing sa Malacañang, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na iginiit ng Pangulo na dapat magresulta ang review sa mga kinakailangang pagbabago upang matiyak ang transparency, accountability, at wastong paggamit ng pera ng taumbayan.
Sinabi pa ni Castro na welcome sa administrasyon ang panawagan ni Senate President Francis “Chiz” Escudero para sa Palasyo na magpalabas ng “negative list” ng mga proyekto sa imprastraktura na hindi popondohan sa ilalim ng P6.793 trilyong pambansang badyet para sa 2026.
“Ang kanyang suhestiyon po ay welcome naman po. At katulad ng sinabi nating announcement ng Pangulo, inuutusan po ang DBM at DPWH na busisiin po ‘yung sinasabi nilang mukhang nagkaroon na naman ng mga insertions. Kailangan po talaga itong maaral, ma-evaluate kung tama po ang nasasabi,” ani Castro.
Nauna rito, sinabi ni Pangulong Marcos na nananatili ang mga “insertions” sa panukalang 2026 budget.
“Unfortunately, the more we look, the more we find. Kahit sa 2026 budget, marami pa ring siningit. So talagang it really needs to be cleaned out properly,” ayon sa Pangulo.
Bago ito, inihayag din ng Punong Ehekutibo ang paglikha ng isang independent commission na mag-iimbestiga sa mga anomalya sa DPWH.
Samantala, parehong binanggit nina House Deputy Speaker Ronaldo Puno at Marikina Representative Marcy Teodoro ang pagkakaroon ng mga kwestiyonableng proyekto sa NEP 2026.
Tinukoy ni Puno na nawawala ang ilang priority projects mula sa kanyang distrito, habang sinabi naman ni Teodoro na may proyektong nakumpleto na ngunit muling nakatanggap ng pondo sa panukalang badyet.
(CHRISTIAN DALE)
136 