TUMANGGAP ng transitory shelter assistance (TSA) ang mga pamilyang nasunugan sa NIA Road, Barangay Pinyahan, Quezon City sa ilalim ng Pag-abot Program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Pinangunahan ni DSWD Secretary Rex Gatchalian ang pamamahagi ng tulong noong Abril 24 upang matulungan ang mga apektadong pamilya na makalipat sa ligtas at maayos na tirahan habang sila ay wala pang permanenteng bahay.
Sa ilalim ng programa, sasagutin ng pamahalaan ang gastos sa upa ng mga benepisyaryo sa loob ng anim na buwan, sa pakikipagtulungan sa Quezon City local government unit.
Ayon kay Social Technology Bureau officer-in-charge Marilyn Moral, saklaw ng tulong ang mga indibidwal na apektado ng “extreme critical conditions” tulad ng sunog at iba pang kalamidad.
Ang mga benepisyaryo mula sa sunog noong Marso 6 ang unang batch na nakatanggap ng tulong sa ilalim ng binagong alituntunin ng Pag-abot Program, alinsunod sa direktiba ni Ferdinand Marcos Jr. na maghatid ng agarang suporta sa mga nangangailangan.
(PAOLO SANTOS)
37 