INIHAYAG ni House Speaker Faustino “Bojie” G. Dy III nitong Sabado na inilalagay ng administrasyong Marcos at Kongreso ang edukasyon sa sentro ng pamumuhunan ng pamahalaan, kung saan nakalaan ang pinakamalaking pondo para sa sektor sa panukalang pambansang badyet para sa 2027 upang mabigyan ang mga batang Pilipino ng patas na pagkakataong makatapos ng pag-aaral at magkaroon ng mas magandang kinabukasan.
Sa kanyang pagharap sa mga estudyante, iskolar, lokal na opisyal at mga kinatawan ng iba’t ibang sektor sa ikaapat na LegisHear public consultation sa South Cotabato, sinabi ni Speaker Dy na kabilang ang edukasyon sa pinakamahahalagang prayoridad ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.
“Ngayong araw na ito, nakita ko po ang dami ng ating mga kabataan dito at napakahalaga po sa amin. Alam ninyo po kung gaano kamahal ng ating Pangulo—Pangulong Bongbong Marcos—ang edukasyon. Nakita ninyo na ang pinakamalaki at pinakamahalagang programa niya ay ang edukasyon,” ani Dy.
“Nandiyan, nakikita ninyo kung gaano kalaki ang inilalaang pondo para matiyak na magiging matatag ang pundasyon ng ating mga kabataan at magiging maganda ang kanilang kinabukasan. Kaya nandito po kami upang lalo pa itong suportahan at dagdagan.”
Sa isang press briefing matapos ang programa, sinabi ni Dy na makikita ang naturang commitment sa panukalang P7.2-trilyong pambansang badyet para sa 2027, kung saan pinakamalaking alokasyon ang nakalaan sa edukasyon.
“Tulad ng sinabi ko kanina sa aking speech, ang priority rito ay education. Malaki ang inilagay nating pondo para sa edukasyon. Sa P7.2-trilyong proposed budget para sa susunod na taon, sila ang pinakamalaki nating pinaglaanan ng budget upang matiyak na bawat kabataang Pilipino ay mabigyan ng patas na pagkakataon at magkaroon ng magandang kinabukasan,” aniya.
Kasama sa panukalang badyet para sa 2027 ang P1.326 trilyon para sa basic at higher education. Kabilang dito ang P975.96 bilyon na panukalang pondo para sa Department of Education at P176.5 bilyon para sa higher education, bukod pa sa pondo para sa Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) at iba pang programang may kaugnayan sa edukasyon.
Pinalakas din ng pamahalaan ang suporta sa mga estudyante sa pamamagitan ng mga bagong amyenda sa Universal Access to Quality Tertiary Education Act. Layunin nitong palawakin ang tulong para sa mga estudyanteng nangangailangan at dagdagan ang oportunidad para sa mga kwalipikadong mag-aaral na makatanggap ng suporta ng gobyerno para sa higher education at technical-vocational training.
Ang dagdag na pamumuhunan at mga reporma ay ipinatutupad kasabay ng pagtaas ng marka ng mga mag-aaral na Pilipino sa tatlong pangunahing asignatura sa 2025 Programme for International Student Assessment (PISA), kumpara noong 2022.
Tumaas ng 20 puntos ang marka ng bansa sa reading at umabot sa 367, habang 17 puntos naman ang itinaas sa science sa 373 at 16 puntos sa mathematics sa 371. Nagbibigay ito ng positibong senyales ng pag-unlad habang patuloy ang mga hakbang ng pamahalaan upang higit pang mapabuti ang learning outcomes ng mga mag-aaral.
“Pinatatatag natin hindi lamang simula sa pinakamababa. Katunayan, kapipirma lang ng ating Pangulo ng batas na lalo pang pinalakas upang tumugon sa mga pangangailangan ng ating mga kabataan. Pinagaganda rin natin ang ating mga sistema upang matiyak na bawat kabataang Pilipino ay mabigyan ng oportunidad,” ani Dy.
Sa South Cotabato, inanunsyo ng Speaker na madaragdagan ang tulong sa ilalim ng Tulong Dunong Program upang mas maraming estudyante sa lalawigan ang maipagpatuloy ang kanilang pag-aaral.
Inaprubahan din ng Kamara sa ikatlo at huling pagbasa ang House Bill No. 8627, na inakda ni Senior Deputy Speaker at South Cotabato 2nd District Rep. Ferdinand “Dinand” Hernandez. Layunin ng panukala na gawing South Cotabato State University ang South Cotabato State College.
Nakatakda na itong aksyunan ng Senado.
(TINA MENDOZA)
76 