INAASAHANG hihina ang bagyong ‘Egay at magiging isang low pressure area na lamang ito sa susunod na 24-oras, ayon sa Pagasa.
Samantala, ang low pressure area na namataan sa labas ng Philippine area of responsibility ay huling naitala sa 575 kilometers west ng northern Luzon.
Sinabi ng Pagasa na ang namumuong bagyo ay hindi papasok sa bansa at sa halip ay tatahak patungong China.
Nananatili ang signal no. 1 sa Batanes habang naitaas na rin ito sa Babuyan Group of Islands.
Bandang alas-4:00 ng umaga ngayong Lunes, ang bagyong Egay ay huling nakita sa 205 kilometers east ng Calayan, Cagayan, na may maximum winds na 45 km per hour at bugso ng hanggang 60 kph.
May bilis ito patungong northwest sa 40 kph, at patuloy na hihila ng hanging habagat.
Ang Metro Manila, Ilocos Region, Cordillera Administrative Region, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, Antique, Aklan, at western Iloilo ay makararanas ng mahina hanggang malalakas na pag-ulan. Ang iba pang bahagi ng Luzon at Western Visayas ay magkakaroon ng kalat-kalat na pag-ulan.
Pinag-iingat din ng Pagasa ang mga residente na nasa delikadong lugar na magmonitor sa weather updates para sa flashfloods at pagbaha.
407