KABIGUANG tugunan ang pangunahing problema ng bayan ang nakikitang dahilan ng mga eksperto sa patuloy na pagsadsad ng trust rating ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Kabilang sa mga isyung tinukoy ng mga eksperto mula sa OCTA Research at iba pang political analysts ang tumataas na presyo ng bilihin, korapsyon, banggaan ng Marcos at Duterte camps, kawalan ng trabaho, at lumalalang kahirapan.
Ayon sa kanila, nananatiling pinakamabigat na hamon ang ekonomiya. Ang patuloy na pagmahal ng bigas, gulay, kuryente, at gasolina ay direktang tumatama sa araw-araw na buhay ng mga Pilipino. Ramdam umano ng publiko na kulang o hindi sapat ang mga hakbang ng gobyerno para maibsan ang hirap ng pamumuhay.
Sa pinakabagong survey ng Social Weather Stations (SWS) na isinagawa noong Nobyembre 24 hanggang 30 at kinumpirma nitong Biyernes, bumagsak sa -3% ang net trust rating ni Pangulong Marcos—mas mababa sa kanyang 7% net trust rating noong Oktubre 2025.
Batay sa datos, nakakuha si Marcos ng 38% “much trust” habang 41% naman ang may “little trust” sa kanya.
Sa kabaligtaran, tumaas ang net trust rating ni Vice President Sara Duterte sa 31%, mula 25% noong Oktubre, sa kabila ng isinasagawang imbestigasyon ng gobyerno sa mga umano’y maanomalyang flood control projects.
Nakakuha si VP Sara ng 56% “much trust” laban sa 26% “little trust”.
Pinakamataas ang trust rating ni Pangulong Marcos sa Balance Luzon na may +18, ngunit negatibo ito sa iba pang rehiyon—-37 sa Mindanao, -7 sa Visayas, at -8 sa National Capital Region (NCR).
Samantala, pinakamalakas ang suporta kay VP Sara sa Mindanao na may +74, sinundan ng +43 sa Visayas at +12 sa Balance Luzon. Pinakamahina niya ang NCR na may +2, bagaman nananatiling positibo.
Ang survey ay kinomisyon ng Stratbase Consultancy at isinagawa sa pamamagitan ng face-to-face interviews sa 1,200 adult respondents sa buong bansa—tig-300 mula sa Metro Manila, Balance Luzon, Visayas, at Mindanao. May margin of error itong ±3% sa national level at ±6% sa bawat rehiyon.
“Given a sponsor-authorized release of commissioned survey items, SWS is disclosing pertinent survey results and technical details for the benefit of the public,” ayon sa pahayag ng SWS.
Dagdag pa ng ahensya, ginamitan ng PSA medium-population projections for 2025 ang area estimates upang makuha ang national figures.
(CHRISTIAN DALE)
46
