PBBM siningil sa pangakong napako WALANG ‘BIG FISH’ NA NAGPASKONG HIMAS-REHAS

MISTULANG siningil ni Caloocan City Rep. Edgar Erice si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa binitiwan nitong pahayag na may mga “malalaking personalidad” umanong magpapasko sa selda dahil sa maanomalyang flood control projects.

Ayon kay Erice, hindi natupad ang pangako ng Pangulo dahil hanggang ngayon ay wala pa ring nakakulong na makapangyarihang politiko at tanging ang kontraktor na si Sarah Discaya ang naipakulong.

“Does the President truly mean what he is saying?” tanong ng mambabatas.

Bumuwelta rin si Erice ng panibagong tanong kasunod ng tuluyang pagguho ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) matapos ang pagbibitiw ni Commissioner Rosanna Fajardo.
“What now, PBBM?” ani Erice.

Hanggang sa katapusan na lamang ng taon manunungkulan si Fajardo kaya’t si ICI chairman Andres Reyes na lamang ang natitirang miyembro ng komisyon, matapos nauna nang magbitiw sina dating Commissioner Rogelio “Babes” Singson at ICI investigator Mayor Benjamin Magalong.

Lalong nababahala ang mambabatas dahil ang mga posibleng testigo laban sa matataas na opisyal ng gobyerno, gaya ni dating DPWH Undersecretary Ma. Catalina Cabral, ay pumanaw na; nananatiling tahimik si dating Ako Bicol party-list Rep. Zaldy Co; at wala umanong balak bumalik sa bansa si dating DPWH Secretary Manuel Bonoan.

Dagdag pa ni Erice, hindi rin umano naimbestigahan ang mga miyembro ng Gabinete ni Marcos na nasasangkot sa isyu at tila wala na ring interes ang Senate Blue Ribbon Committee sa pamumuno ni Sen. Panfilo Lacson na ipagpatuloy ang imbestigasyon.

Samantala, ikinalungkot nina Mamamayang Liberal party-list Rep. Leila de Lima at Akbayan party-list Rep. Chel Diokno ang pagbibitiw ni Fajardo. Giit nila, kailangang agarang maipasa ang Independent Commission Against Infrastructure Corruption Bill dahil hindi pa tapos ang mandato ng ICI.

‘Pork-infested’ 2026 budget

Samantala, nagbabala ang mga grupong makabayan na mas paiigtingin nila ang mga kilos-protesta laban sa umano’y katiwalian sa pamahalaan kung hindi aalisin ng Kongreso ang pork barrel sa 2026 national budget na nagkakahalaga ng P6.793 trilyon.

Ngayong Lunes, nakatakdang ratipikahan ng Kamara at Senado ang bicameral conference committee report sa pambansang pondo, na inaasahang lalagdaan ni Pangulong Marcos bago matapos ang taon.

Ayon sa mga kaalyado ng Makabayan bloc, kabilang ang Bagong Alyansang Makabayan (Bayan), magsasagawa sila ng kilos-protesta sa Batasang Pambansa upang ipanawagan ang tuluyang pagbabasura ng budget na umano’y puno ng pork barrel.

Sinabi ni dating Kabataan party-list Rep. Mong Palatino, secretary general ng Bayan, na nagsabwatan umano ang Kongreso at Malacañang kaya’t napuno ng pork barrel programs ang pambansang pondo, kabilang ang “allocables” para sa mga mambabatas, unprogrammed appropriations, confidential funds, at napakalaking infrastructure budget.

“Bayan warns that the passage of the budget containing pork barrel and secret funds for the President, his allies, and corrupt political dynasties will trigger more protests in 2026,” ani Palatino.

Nauna nang sinabi ni ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio na aabot sa P243 bilyon ang unprogrammed funds sa 2026 budget na tinuturing nilang “presidential pork” dahil ang Pangulo lamang ang may kapangyarihang magpasya kung saan ito gagamitin.

(BERNARD TAGUINOD)

45

Related posts

Leave a Comment