NAGBABALA si Senador Win Gatchalian sa mga awtoridad at publiko na maging mapagbantay sa ilang panibagong pamamaraan ng panlilinlang sa konsyumer sa pamamagitan ng mobile at online transactions gamit ang text messages.
Ginawa niya ang panawagan sa Department of Trade and Industry (DTI), National Bureau of Investigation (NBI), Department of Information and Communications Technology (DICT) at National Privacy Commission (NPC) matapos lumabas ang balita sa bagong paraan ng SMishing o short message service (SMS) upang makapanloko sa pamamagitan ng text na magpadala ng pera gamit ang credit card.
Ang mga ganitong aktibidad ay muling nagpapatunay ng pangangailangan ng pagpaparehistro ng subscriber identity module (SIM) cards sa bansa, ani Gatchalian.
“Kung gusto nating masawata ang mga ganitong klase ng ilegal na gawain, simulan natin sa pag-aatas ng pagrerehistro ng mga prepaid SIM card sa bansa. Ginagawa na ito ng maraming bansa katulad ng Singapore, Malaysia, Indonesia, Brunei at iba pa at napatunayan nila na mainam itong regulasyon sa pagkakaroon ng database o registry ng may-ari ng numero,” sabi ni Gatchalian.
“Nananawagan din ako sa publiko na maging alerto at mapanuri sa ganitong klase ng mga panloloko at ireport agad sa mga awtoridad,” dagdag pa ng senador. (ESTONG REYES)
144 