FCP COMMISSION ANG DAPAT MAG-IMBESTIGA

DPA ni BERNARD TAGUINOD

DAPAT pairalin ng Kamara de Representantes at maging ng Senado ang delicadeza at ‘wag galawin o imbestigahan ang isyu sa mga anomalya sa flood control projects dahil pagdududahan ng taumbayan ang resulta ng kanilang imbestigasyon.

Open secret na marami sa mga kongresista ang contractor, malalaking contractor sa government projects at malamang sa malamang ay nagkaroon sila ng kontrata sa flood control projects.

‘Yung sinasabi ni Sen. Ping Lacson na 60 congressmen ang may construction companies, mukhang maliit na bilang lang ‘yun. Baka hindi kasama ‘yung mga kaanak na may construction companies na ang target ay government projects.

May isang congressman nga na dating contractor ng isang dating senador na yumao na, at tumakbo bilang district congressman sa kanilang probinsya at nang manalo ay isa na siya sa itinuturing na political family sa bansa.

‘Yung isa naman, kontraktor ng isa ring dating congressman na local executive na at nakita siguro ang mas malaking oportunidad kaya kinalaban niya ang dating amo at dahil maraming pera, naging congressman siya at unti-unting nagtatayo ng dinastiya.

Ganyan din ang ginawa ng isa pang congressman na hindi nakaporma sa Congressional district kaya ginamit ang party-list system para makapasok sa Kongreso at maraming kontrata sa gobyerno ang sinalihan nito na kontrobersyal.

Siguro, ang iniisip ng mga taong ito ay imbes na dumaan pa sila kung kani-kanino ay sila na mismo ang pupuwesto sa Kongreso para diretso na sa kanila ang mga proyekto, kaya nasusuka ako ‘pag sinasabi nila na gusto nilang magsilbi sa bayan. Baka ang ibig nila sabihin ay ayaw nilang magkaroon ng kahati kaya naging congressman na lang sila, hindi para magsilbi kundi para walang kahati sa komisyon.

Ngayon ay mag-iimbestiga ang House Committee on Public Account ni Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon sa flood control projects na ayon mismo kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ay pinagkakitaan ng mga walang hiya. Ang senado mag-iimbestiga rin daw.

At dahil pinagnakawan ay hindi matatag ang pagkakagawa at ang iba naman ay ghost projects as in walang ginawang proyekto pero binayaran ng taxpayers, at ito ang pinakamalala sa nakawan sa gobyerno.

Kahit sa Senado ay may mga senador na inaakusahan din na nasa construction business ang kanyang pamilya kaya kung merong dapat mag-imbestiga sa anomalya sa flood control projects ay hindi ang Kongreso.

Papaano magrerekomenda ang komite ni Ridon at maging ang Senado na kasuhan ang kanilang mga kasamahan. O kaya papaano irerekomenda ng Senado na kasuhan sina Congressmen vice versa eh may parliamentary courtesy ek-ek sila?

Dapat bumuo ng isang Flood Control Projects (FCP) Commission na mag-iimbestiga sa anomalyang ito, na binubuo ng pinagkakatiwalaang mga tao at walang koneksyon sa sinomang politiko o kaya walang negosyo ang kanilang pamilya sa construction industry. Hindi ubra na imbestigahan niyo ang sarili niyo!

1

Related posts

Leave a Comment