NAKIISA si First Lady Liza Araneta-Marcos sa global coalition na pinangunahan ni United States (US) First Lady Melania Trump na naglalayong palawakin ang access ng mga kabataan sa teknolohiya at edukasyon habang pinoprotektahan sila laban sa mga panganib online.
Inanunsyo ni First Lady Liza Araneta-Marcos ang kanyang paglahok sa “Fostering the Future Together” coalition matapos dumalo sa luncheon kasama si First Lady Melania Trump at iba pang First Spouses sa St. Regis Hotel sa New York nitong Martes.
“Happy to join First Lady Melania Trump and fellow First Spouses for the ‘Fostering the Future Together’ luncheon,” ani First Lady Liza sa kanyang social media post nitong Miyerkules.
Ayon sa Unang Ginang, nagkakaisa ang mga miyembro ng koalisyon sa layuning matiyak na may oportunidad ang mga kabataan na “learn, grow and thrive” habang nananatiling ligtas sa patuloy na lumalawak na digital world.
“Here’s to building a safer, brighter and more hopeful future for all children — especially our young Filipino youth who have fallen victims to all these creepy websites,” aniya.
Ang “Fostering the Future Together” initiative ay inilunsad ni First Lady Melania Trump sa 80th United Nations General Assembly noong 2025 upang pagsama-samahin ang First Spouses at iba pang lider sa pagsusulong ng kapakanan ng mga kabataan sa pamamagitan ng edukasyon, inobasyon at teknolohiya.
Kabilang sa mga pokus ng koalisyon ang paggamit ng artificial intelligence (AI) sa edukasyon, education technology tools, online safety and protection, at digital literacy.
Layunin din nitong palakasin ang partnerships sa pagitan ng mga pamahalaan at technology companies upang mapalawak ang access ng mga bata, magulang at guro sa mga digital tools.
Napaulat na magho-host din si First Lady Liza ng “Fostering the Future Together” event sa Pilipinas habang naghahanda ang bansa na maging host ng ASEAN Summit bago matapos ang taon.
Ayon naman sa White House, binubuo ang koalisyon ng 57 member nations, kung saan tumutulong ang kani-kanilang First Spouses sa mga pamahalaan upang tuklasin ang technology-based educational opportunities at mga hakbang para maprotektahan ang mga kabataan laban sa mga panganib online.
(CHRISTIAN DALE)
73 