NANAWAGAN si Senador Imee Marcos sa pamahalaan na agarang isulong ang direktang government-to-government (G2G) oil procurement at palawakin ang pinagkukunan ng suplay ng langis upang mabawasan ang epekto ng patuloy na global oil shock.
Iginiit ni Marcos na dapat maging mas agresibo ang gobyerno sa pagtugon sa krisis na dulot ng tensyon sa pagitan ng United States at Iran na patuloy na nagpapataas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Ayon sa senadora, maaaring direktang bumili ang pamahalaan ng langis mula sa mga bansang supplier at ibenta ito sa mas mababa at kontroladong presyo upang maibsan ang pasanin ng publiko, lalo na ng mga tsuper, magsasaka, at mangingisda.
Kinuwestiyon din ng mambabatas kung bakit hindi nakipagkasundo ang gobyerno sa Russia sa kabila ng umiiral na sanctions waiver na pinalawig hanggang Mayo 16.
Binanggit ni Marcos na nagawa ng pribadong kompanya na Petron na makakuha ng milyun-milyong bariles ng Russian crude oil.
Binalikan din ng senadora ang karanasan ng bansa noong dekada 1970 kung saan nakatulong ang direktang pakikipag-ugnayan ng gobyerno sa ibang bansa upang malampasan ang mga krisis sa langis noong 1974 at 1979.
Ipinunto rin ni Marcos na ilang bansa ang aktibong kumikilos upang masiguro ang kanilang suplay ng langis.
Kabilang dito ang Indonesia na planong umangkat ng malaking volume ng Russian crude, pati ang Sri Lanka na nagpatupad ng G2G deals. Samantala, nakikipagnegosasyon naman ang Vietnam, Thailand, at Malaysia sa iba’t ibang exporters.
Idinagdag pa ng senadora na dapat iwasan ng bansa ang labis na pag-asa sa mga rutang madaling maapektuhan ng sigalot, gaya ng Strait of Hormuz, at humanap ng alternatibong supplier mula sa labas ng Middle East.
“Dapat may malinaw na sourcing strategy ang pamahalaan at palakasin ang direktang ugnayan sa mga regional producers tulad ng Malaysia, Brunei, at Indonesia, sa halip na umasa lamang sa mga intermediary refining hubs gaya ng Singapore, South Korea, at China,” diin ni Marcos.
(DANG SAMSON-GARCIA)
73 