MALACAÑANG MAY TINITINGNANG KAPALIT NI AGUDA BILANG DICT CHIEF

TINANGGAP na ng Malacañang ang pagbibitiw sa puwesto ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Henry Aguda nitong Sabado, Oktubre 10, kasunod ng kumpirmasyon ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla.

Kasunod ng pagbibitiw ni Aguda, lumutang ang ilang pangalan na posibleng pumalit sa kanya bilang kalihim ng DICT, sa gitna ng mga kontrobersiyang kinakaharap ng ahensya.

Kabilang dito ang pansamantalang pag-block sa digital platform na Discord at ang patuloy na imbestigasyon ng Office of the Ombudsman sa umano’y mga anomalya sa Free Wi-Fi initiative ng pamahalaan.

Kabilang sa mga pinagpipiliang kapalit ni Aguda si DICT Undersecretary for e-Government David “Dave” Almirol Jr., founder ng Multisys Technologies, isang kumpanyang kilala sa pagbuo ng software solutions at digital infrastructure.

Kasama rin sa mga pangalang lumilitaw sina Atty. Edwin Lacierda, dating presidential spokesperson at co-founder ng fintech firm na PayMongo, at Atty. Alexander “Aboy” Paraiso, executive director ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC).

Itinuturing na isa sa mga posibleng pumalit si Almirol dahil sa kanyang karanasan sa teknolohiya at digital systems. Bago pumasok sa pamahalaan, itinatag niya ang Multisys Technologies, kung saan pinangunahan niya ang pagbuo ng malalaking digital platform, system architecture at iba pang makabagong teknolohiya, kabilang ang blockchain.

Sa kasalukuyan niyang posisyon sa DICT, kabilang sa mga proyektong itinutulak ni Almirol ang eGovPH Super App, na naglalayong pagsamahin sa iisang digital platform ang iba’t ibang serbisyo ng pamahalaan.

Sa pamamagitan ng aplikasyon, layunin ng pamahalaan na mapadali ang pag-access ng publiko sa mga serbisyong pampubliko, mapalakas ang digital verification, mabawasan ang red tape at mapabilis ang mga transaksyon sa pamamagitan ng digital payment channels.

Gayunman, wala pang pinal na anunsyo kung sino ang itatalaga ng administrasyon bilang kapalit ni Aguda.

Sinoman ang mapili, inaasahang tututok ang bagong kalihim sa pagsusulong ng mabilis, ligtas at makabagong digital infrastructure at serbisyo para sa mga Pilipino.

117

Related posts

Leave a Comment