NILINAW ng National Telecommunications Commission (NTC) na regular nitong isinasagawa sa buong bansa ang mobile broadband speed validation sa pamamagitan ng mga regional office nito.
Sa bagong pahayag, sinabi ng NTC na hindi limitado sa National Capital Region (NCR) ang enforcement action laban sa mga mobile network operators (MNOs).
Kada quarter, ipinapaalam ng Komisyon sa mga operator ang mga barangay na napatunayang walang signal o may mahinang signal at inaatasan ang mga ito na magsagawa ng kinakailangang network improvements.
Tinatapos na rin ng NTC ang kabuuang resulta ng September 2026 revalidation at maglalabas ng Show Cause Orders (SCOs) at daily penalties laban sa mga operator sa mga lungsod at munisipalidad sa NCR at iba pang rehiyon na may mataas na bilang ng mga lugar na walang signal o mahina ang signal.
Sa ilalim ng NTC Memorandum Circular No. 001-01-2026, kailangang sumunod ang mga kumpanyang saklaw ng regulasyon, kabilang ang mga mobile network operator, sa itinakdang quality-of-service standards.
Ayon sa NTC, layunin ng mga hakbang na ito na matiyak ang maaasahan, mas mabilis at agarang tumutugon na telecommunications services para sa mga Pilipino, alinsunod sa mandato ng Public Service Act.
Nauna rito, naglabas noong nakaraang linggo ang NTC ng SCOs laban sa Dito Telecommunity Corporation (DITO), Globe Telecom, Inc. (Globe), at Smart Communications, Inc. (Smart), at nagpataw ng P100,000 daily penalty dahil sa mahinang mobile broadband service sa ilang bahagi ng NCR.
Batay sa September 2026 mobile speed test revalidation, sinabi ng NTC na walang measurable improvement sa serbisyo ng tatlong telco, habang halos hindi nagbago ang mga naitalang lugar na walang signal o mahina ang signal kumpara sa mga validation noong first at second quarter.
Kabilang sa mga lugar na may concern para sa Globe ang Manila, Makati at Quezon City; San Juan, Pasay at Las Piñas naman para sa DITO; at Parañaque, Manila at Pasig para sa Smart.
69 