(NI BERNARD TAGUINOD)
NADALE sa mga anomalya umano sa Small Time Lottery (STL) si dating Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) eneral Manager Alexander Balutan na nagresign kamakailan.
Kasabay nito, irerekomenda umano ng House committee on games and amusement chair Gus Tambunting, ng Paranaque City, ang total revamp sa PCSO at pagsasampa ng kaso laban sa mga opisyales ng ahensya sa kanilang ilalabas na committee report.
“We conduct hearing, and in that hearing eh talagang (lumalabas na) pinaglalaruan ang pondo ng PCSO,” ani Tambunting matapos lumabas na wala umanong maipakita ang mga opisyales ng ahensya na mga dokumento ukol sa ‘account receivable” sa STL. Ang puno’t dulo ng away na ito (sa PCSO) ay STL,” ani Tambunting.
Ayon sa mambabatas, wala umanong rekord kung magkano ang utang ng STL sa PCSO dahil hindi umano ito naka-record subalit sa report umano ng Commission on Audit (COA) ay P4 billion noong 2017.
Gayunpaman, sinabi ng mambabatas na maliit ang nasabing halaga dahil walang maipakitang official record ang PCSO at parami ng parami umano ang operators sa bansa.
Maliban dito, nabuko rin umano ng komite ni Tambunting sa oversight committee hearing na ipinatawag ni House minority leader Danilo Suarez na sina-subcontract umano ng mga STL operators ang kanilang prangkisa.
“Bawal ang isubcontract ang prangkisa sa STL operators. Dapat kung ikaw ang inawardan (award) ng STL operation, dapat ikaw ang magpatakbo. Ang mga sumbong na dumating sa amin, yan po ay isina-subcontract so hindi ang lumalaro. So lumalabas dalawa pa ang kausap dyan, dalawa pa ang naglalaro. Bawal ho yun,” ani Tambunting.
Sinabi naman ni Suarez na may report silang natanggap na kapag may STL operator na pumupunta sa tanggapan ng PCSO ay nabubuko ng mga guwardiya na may bitbit ang mga ito na pera subalit pag-alis ay wala na silang dala.
Dahil din umano sa kabiguan ng PCSO na makolekta ang mga dapat makolekta sa STL ay bumaba na umano sa P25,000 ang naitutulong sa mga nangaingailangan ng medical assistant mula sa dating P50,000 noong nakaraang administrasyon.
136