GOVERNMENT RESET NA MAG-UUPO KAY ANG, TABLADO

MALINAW na military junta ang lumutang na government reset kung saan itatalaga umano ang business tycoon na si Ramos S. Ang bilang caretaker ng gobyerno habang hindi pa nahahalal ang bagong pangulo at pangalawang pangulo.

Ito ang pahayag ni ACT Teacher party-list Rep. Antonio Tinio na ang grupo ay nagsusulong naman ng “transition council” kung saan ang Senate President o Speaker of the House ang pansamantalang mamumuno sa gobyerno sa loob ng 60-araw.

“Narinig namin yung government reset. Yan po ay (military) junta. Malinaw na military junta yan,” deklara ni Tinio na hindi umano nila papayagan at bilang solusyon ay nais nilang magkaroon ng transition council.

Unang kinastigo ni Davao City Rep. Paolo Duterte ang “government reset” bagay na itinanggi naman ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at maging ng negosyanteng si Ang.

Nang tanungin ang mambabatas kung bakit hindi na lamang sundin ang itinatadhana ng saligang batas na kapag bumaba o napatalsik sa puwesto ang isang nakaupong pangulo ay ang bise presidente ang otomatikong papalit, sinabi nito na maging si Vice President Sara Duterte ay sangkot din sa katiwalian.

“Dahil po ang Vice President ay sangkot din sa corruption. Nauna pa nga,” ani Tinio na ang tinutukoy ay confidential funds na nagkakahalaga ng P125 million ng pangalawang pangulo na ginastos lamang nito sa loob ng 11 araw.

Bukod dito, nabahiran din aniya ang pangalan ni VP Sara sa mga maanomalyang government projects dahil ang isa sa pinakamalaking kontratista sa gobyerno ay kabilang sa campaign donors nito noong 2022 presidential election.

Kaya hindi maaaring pumalit si VP Sara kay Marcos, sa halip mas mainam umano kung parehong bumaba sa kapangyarihan ang dalawa at magtatayo ng transition council na pansamantalang mamumuno sa gobyerno imbes na military junta.

“Konstitusyon mismo ang nagtatakda na kung sakaling mawala sa pwesto ang Pangulo at Bise Presidente, magkakaroon talaga ng transition government. Ang sinasabi namin, kailangan ‘yong transition gov’t ay may representasyon ng taumbayan,” paliwanag ni Tinio.

(BERNARD TAGUINOD)

40

Related posts

Leave a Comment