WFH MODE PINAIRAL SA DOJ SA GITNA NG KALAMIDAD

NAGLABAS ang Department of Justice (DOJ) ng memorandum circular na nag-aatas ng work-from-home arrangement sa ilang tanggapan nito dahil sa patuloy na malakas na pag-ulan dulot ng Southwest Monsoon o Habagat.

Ayon sa DOJ, ipinatupad ang work-from-home arrangement noong Agosto 17 sa DOJ Central Office at sa lahat ng Prosecution Offices sa National Capital Region, Ilocos Sur, La Union, Pangasinan, Benguet, Zambales, Bataan, Tarlac, Pampanga, Bulacan, Cavite, Batangas, Rizal, Laguna at Occidental Mindoro.

Layunin ng kautusan na matiyak ang kaligtasan at kapakanan ng mga empleyado bunsod ng inaasahang pagbaha, mabigat na trapiko at pagkaantala sa transportasyon dulot ng patuloy na pag-ulan.

Upang matiyak naman ang tuloy-tuloy na paghahatid ng serbisyo publiko, inatasan ang mga frontline services sa naturang mga tanggapan na magtalaga ng skeleton workforce.

Tungkulin ng skeleton workforce na tumanggap ng mga komunikasyon, liham, affidavit, mosyon, pleadings at iba pang dokumentong isusumite sa mga tanggapan ng DOJ.

Samantala, pinayuhan ang publiko na isaalang-alang ang work-from-home arrangement sa mga transaksyong hindi nangangailangan ng personal na pagpunta sa mga tanggapan, habang patuloy na ipinatutupad ang mga hakbang para sa kaligtasan ng mga empleyado at kliyente.

(JULIET PACOT)

42

Related posts

Leave a Comment