ISINULONG sa Kamara ang panukalang magbibigay ng hazard pay sa mga kawani ng local government units (LGUs) na nalalantad sa iba’t ibang panganib habang ginagampanan ang kanilang tungkulin.
Inihain ni Nueva Vizcaya Rep. Atty. Timothy Joseph Cayton ang House Bill No. 9809 o Local Government Employees Hazard Pay Act of 2026.
Saklaw ng panukala ang mga empleyadong nasa disaster response, sanitation, engineering works, environmental hazards, law enforcement at iba pang trabahong may mataas na antas ng panganib.
Nakasaad sa panukala na ibabatay ang hazard pay sa aktuwal na panganib ng trabaho at hindi sa employment status, kaya kabilang sa makikinabang ang permanent, casual, temporary, contractual, job order (JO) at contract of service (COS) workers.
Iminumungkahi rin ang pagbuo ng National Occupational Hazard Classification Framework upang magkaroon ng iisang batayan sa pagtukoy ng mga kwalipikadong tumanggap ng benepisyo.
Sa ilalim ng panukala, makatatanggap ng hazard pay na hindi bababa sa 25% ng basic monthly salary ang mga nasa high-risk jobs, habang 15% naman para sa mga nasa moderate-risk positions.
Ayon kay Cayton, panahon na upang mabigyan ng nararapat na pagkilala, proteksyon at kompensasyon ang mga kawani ng LGUs na patuloy na nagsisilbi sa kabila ng mga panganib sa kanilang trabaho.
(TINA MENDOZA)
65 