SINIMULAN ng defense counsel na si Atty. Justin Nicol Gular ang cross-examination kay Atty. Gerardo Del Rosario, director ng Registration and Monitoring Department ng Securities and Exchange Commission (SEC), na tumestigo para sa prosekusyon sa ika-28 araw ng impeachment trial ni Vice President Sara Duterte. (DANNY BACOLOD)
INILUTANG ni Senate President Sherwin Gatchalian ang posibilidad na hindi nagmula sa mga kumpanyang idineklara ni Vice President Sara Duterte ang pagtaas ng kanyang yaman na nakapaloob sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), matapos lumitaw na karamihan sa mga kumpanyang tinalakay sa impeachment trial ay nalugi o walang naideklarang dibidendo.
Sa pagtatanong ni Gatchalian sa Day 28 ng impeachment trial, sinabi ng testigong si Gerardo del Rosario ng Securities and Exchange Commission (SEC) na walang nakitang dibidendo si Vice President Duterte mula sa mga korporasyong may kaugnayan sa kanya at sa kanyang asawang si Atty. Manases Carpio.
Ayon kay Gatchalian, kung walang kinita si Duterte mula sa mga kumpanyang ito, hindi maaaring iugnay sa dividends mula sa mga korporasyon ang paglaki ng kanyang net worth.
“So, ibig sabihin, kung babangga po namin ito sa SALN, hindi po pwedeng manggaling sa corporations niya yung paglaki ng kanyang net worth,” ani Gatchalian.
“Dahil kung by process of elimination, titingnan natin yung mga corporations, pwede na natin i-rule out yung corporations,” dagdag niya.
Nilinaw naman ng SEC na maaari pa ring magkaroon ng ibang source of income si Duterte na hindi nagmula sa mga naturang korporasyon.
Sa mga kumpanyang tinalakay sa pagdinig, karamihan ay nalulugi at kung deficit ang retained earnings ay hindi maaaring magdeklara ng dividends ang isang kumpanya.
Sa SALN ni Duterte, nakalista sa ilalim ng entities, businesses o enterprise ang GenCorp Industries Inc., na batay sa dokumento ay dating Timesquare Bee Foods Corp. at Great Jolly Times Foods Corporation.
Gayunman, batay sa mga dokumento ng SEC, napag-alamang hindi incorporator o stockholder si Duterte ng mga kumpanyang ito.
Batay sa mga SALN ni Duterte, tumaas ang kanyang idineklarang net worth mula sa halos P7.25 milyon noong 2007, nang una siyang maging vice mayor ng Davao City, hanggang P98.66 milyon noong 2025.
Mula P34.90 milyon noong 2016, umakyat ang kanyang idineklarang net worth sa P71.66 milyon noong 2022, nang maupo siya bilang Vice President.
Patuloy itong tumaas sa P77.51 milyon noong 2023, P88.51 milyon noong 2024 at P98.66 milyon noong 2025.
Sa pagitan ng 2022 at 2025, nadagdagan ng halos P27 milyon ang idineklarang net worth ni Duterte, katumbas ng humigit-kumulang 38 porsiyentong pagtaas.
(DANG SAMSON-GARCIA)
77 