Sa pagpapaluwag ng mga piitan HOUSE ARREST, COMPASSIONATE RELEASE KINOKONSIDERA NG SC

KINONSIDERA ng Supreme Court (SC) ang house arrest at compassionate release bilang ilan sa mga posibleng hakbang upang maibsan ang pagsisikip sa mga kulungan sa buong bansa.

Sa Justice Sector Coordinating Council (JSCC) Summit nitong Lunes sa Manila Hotel, sinabi ni Chief Justice Alexander Gesmundo na kailangang repasuhin ang mga alituntunin sa detention facilities at mga paraan ng pagpapalaya sa mga persons deprived of liberty (PDL).

Kabilang sa mga opsyong tinitingnan ang house arrest, medical confinement at community-supervised release, gayundin ang compassionate release para sa matatanda, may sakit, o kwalipikado sa humanitarian release matapos pagsilbihan ang minimum na sentensya.

Binigyang-diin ni Gesmundo na hindi dapat manatiling konsepto lamang ang hustisya kundi dapat itong maramdaman ng mga mamamayan.

Aniya, hindi lamang isang ahensya ang responsable sa problema ng jail congestion kundi ang buong justice system, mula sa imbestigasyon hanggang sa pagpapatupad ng mga release order.

Ibinahagi rin ni Gesmundo na nagsagawa na ng reporma ang Department of Justice (DOJ) sa proseso ng paghahain ng mga kaso, habang pinalakas naman ng Department of the Interior and Local Government (DILG), sa pamamagitan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP), ang paralegal at case-monitoring upang mapabilis ang pagpapalaya sa mga PDL.

Ayon sa SC, dahil sa magkasanib na hakbang ng mga ahensya, bumaba nang double digits ang national jail congestion rate.

(JULIET PACOT)

85

Related posts

Leave a Comment