BAKBAKAN NA SA P4.506-T BUDGET

SISIMULAN ngayon ang bakbakan ng mga kongresista at senador sa P4.506 Trillion national budget sa kanilang paghaharap sa Bicameral Conference.

“Matira ang matibay na dyan,” komento ng isang mambabatas na hindi na nagpabanggit ng pangalan, at ang sinoman aniyang kumurap sa magkabilang panig ay talo.

Nagtalaga ang Kamara ng 21–man team para idepensa ang kanilang bersyon sa 2021 national budget sa pangunguna ng chairman ng House appropriation committee na si Rep. Eric Yap.

Sasamahan siya nina Deputy Speakers Salvador “Doy” Leachon at Mikee Romero, Majority Leader Ferdinand Martin Romualdez, Pampanga Rep. Juan Pablo “Rimpy” Bondoc, Rizal Rep. Michael John Duavit, Deputy Majority Leader Bernadette Herrera, Romblon Rep. Eleandro Jesus Madrona, Negros Occidental Rep. Francisco Benitez at Sulu Rep. Munir Arbison.

Kasama rin sa House contingent sina Deputy Speaker Loren Legarda, Assistant Majority Leader Kristine Singson-Meehan, Deputy Speaker Roberto Puno, Deputy Speaker Jose “Lito” Atienza, Batangas Rep. Eileen Ermita-Buhain, Valenzuela Rep. Eric Martinez, Abra Rep. Joseph Bernos, Albay Rep. Joey Salceda, at Valenzuela City Rep. Weslie Gatchalian, Minority Leader Joseph Stephen “Caraps” Paduano at Albay Rep. Edcel Lagman.

Haharapin ng mga ito ang puwersa ng Senado sa pangunguna ni Senate Finance committee chairman Sen. Juan Edgardo “Sonny” Angara kasama sina Senators Pia Cayetano, Cynthia Villar, Panfilo Lacson, Sherwin Gatchalian, Richard Gordon, Bong Go, Imee Marcos, Risa Hontiveros, Grace Poe at Kiko Pangilinan habang alternate members naman sina Sens. Manny Pacquiao, Bato Dela Rosa, Nancy Binay at Bong Revilla.

Hindi lingid sa kaalaman ng lahat na napulaan ang Kamara sa ipinasang budget ng gobyerno sa susunod na taon matapos matuklasan ni Lacson ang bilyun-bilyong halaga ng proyekto sa mga ‘napaborang’ congressman.

Bukod dito, kung wala halos ginalaw ang mga kongresista sa National Expenditure Program (NEP) ng gobyerno ay marami namang binago ang mga senador kaya ayon sa importante, posibleng maging ‘madugo’ ang Bicameral Conference meeting ng dalawang Kapulungan. (BERNARD TAGUINOD)

197

Related posts

Leave a Comment