SUMUKO sa mga awtoridad ang 26-anyos na driver at construction worker ini-hostage ang sariling anak noong Sabado ng gabi sa
C6 Road, Lupang Arenda, Brgy. Sta. Ana sa Taytay, Rizal.
Ayon kay PCol. Felipe Maraggun, provincial director ng Rizal PNP, kinilala ang suspek na si alyas “Vin,” tubong Guinayangan, Quezon, habang ang anak ay kinilalang si alyas “Athena,” isang taon gulang.
Sinabi ni Maraggun na nagsimula ang hostage drama dakong alas-7 ng gabi at tumagal ng mahigit 2 oras na nagdulot ng matinding traffic na umabot hanggang C-6 sa Taguig City.
Dagdag pa ng mga awtoridad, naging matagumpay ang negosasyon at nailigtas ang bata at inilipat na sa pangangalaga ng mga kamag-anak.
Batay sa imbestigasyon, inireklamo umano ang suspek ng kinakasama nito na inabuso ang 13-anyos na stepdaughter na agad namang isinuplong sa barangay.
Dito na umano nagwala ang suspek hanggang sa gawing hostage ang sariling anak nito gamit ang karambit knife.
Nagpasalamat naman si Taytay Mayor Allan de Leon dahil walang anomang ‘di kaaya-ayang nangyari o nasaktan sa nasabing insidente.
Nakapiit na ang suspek sa Taytay Municipal Police Station at nahaharap sa mga kasong paglabag sa RA 9262 o Anti-Violence Against Women and their Children Act of 2004, alarms and scandal, at illegal possession of bladed weapons. (NEP CASTILLO)
