HOUSE LEADERS NAWALA ANGAS SA ‘BICAM SCAM’

NAKABIBINGI ang katahimikan ng liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso hinggil sa isyu ng blankong items sa bicameral conference committee report sa 2025 national budget na tinawag ni dating Executive Secretary Atty. Vic Rodriguez na “BiScam o Bicam Scam.

Unang hiningan ng reaksyon ng mga mamamahayag si dating House committee on appropriations chairman at Ako Bicol party-list Rep. Elizaldy Co hinggil sa isiniwalat nina dating pangulong Rodrigo Duterte, Davao City Rep. Isidro Ungab at Rodriguez subalit hindi ito sumasagot.

Si Co ay tinanggal bilang chairman ng nasabing komite noong Enero 3, 2025 sa pamamagitan ng mosyon ni House senior deputy majority leader at presidential son na si Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos.

Maging si acting appropriations chairperson Marikina Rep. Stella Quimbo ay tila umiiwas sa nasabing isyu habang wala ring sagot ang tanggapan ni House Speaker Martin Romualdez.

Unang tinawag ng Malacañang sa pamamagitan ni ES Lucas Bersamin na fake news ang isiniwalat ni Duterte at kalaunan ay itinuro ang dalawang kapulungan ng Kongreso na dapat sumagot sa blank items sa bicam report.

Sa mahigit 300 congressmen, tanging si Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel ang nagkumpirma na may blanko sa bicam report na inemail umano sa mga ito noong December 11, 2024 ilang oras bago ito ratipikahan.

Gayunpaman, walang idea ang mambabatas kung sino ang nag-fill in the blanks sa bicam report dahil nawala umano ang mga ito sa pinirmahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong”Marcos Jr., na enrolled bill.

Ayon kay Rodriguez, maituturing na falsification of legislative documents ang pag-fill in the blanks sa bicam report na niratipikahan sa plenaryo ng dalawang kapulungan ng Kongreso.

“Hindi ho pwedeng magkaroon pa ng revision or changes dyan sa kopya ng bicam report. Tapos na po yan. Pirmado na po yan. Batas na nga eh,” pahayag ni Rodriguez. (BERNARD TAGUINOD)

63

Related posts

Leave a Comment