MULING magpupulong ngayong araw ang dalawang komite sa Kongreso at inaasahan na boboto na ang 94 miyembro ng Franchises committee kung aaprubahan o hindi ang prangkisa ng ABS-CBN.
Ito ay kasunod ng pagtatapos ng pagdinig ng House Committees on Legislative Franchises at Good Government and Public Accountability.
Idinaan ni Deputy Speaker Rodante Marcoleta ang kanyang summation sa 12 pagdinig sa ABS-CBN franchise sa pamosong dialogue ni Fernando Poe Jr. na, “puno na ang salop, dapat nang kalusin” sa pamamagitan ng movie clip ng yumaong Hari ng Pelikulang Pilipino.
Binigyan ng pagkakataon ng dalawang House committees ang pro at anti-ABS-CBN franchise para isuma ang resulta ng pagdinig.
Tumayo para sa panig ng ABS-CBN si Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate habang si Marcoleta ang kumatawan sa mga mambabatas na kontra sa panibagong prangkisa ng nasabing network.
“A legislative franchise is granted to those who deserved it. It is not a demandable right. A franchise imbued with public interest. The grant comes with duties and responsibilities both of the people and to their government,” panimula ni Marcoleta.
Gayunpaman, hindi kumbinsido si Marcoleta na mabigyan ng panibagong prangkisa ang ABS-CBN dahil sa naparaming paglabag umano ng mga ito sa kanilang prangkisa at Saligang Batas.
Tinukoy ni Marcoleta ang unang paglabag dahil ang may-ari umano at dating nagmamando sa ABS-CBN na si Eugenio “Gabby” Lopez III ay isang Amerikano na paglabag sa Saligang Batas dahil tanging ang mga Filipino ang dapat mamahala at magmay-ari sa isang broadcast network sa bansa.
Paglabag din umano sa Saligang Batas ang pagbebenta ng 187,000,000 sa P298,000,000 Philippine Depository Receipts (PDRs) na inisyu ng ABS-CBN Holdings sa mga dayuhan.
“TV plus and KBO pay per view. During the hearings it was proved without a doubt, ABS-CBN violated its franchise by airing multiple channels through its TV plus,” ani Marcoleta.
Napatunayan rin umano na ilegal ang ginawang pagbebenta ng digital box dahil hindi ito inaprubahan ng National Telecommunications Commission (NTC) at maging ang paniningil sa mga pelikula at sa laban nina Sen. Manny
Pacquiao at Floyd Mayweather Jr. “Kung susumahin nga po ang multa sa pagbebenta at paggamit ng ipagpalagay na lang natin na 5 milyon na
blackboxes sa loob ng 5 taon at apat na buwan, ang kuwenta po ay aabot sa P1.97 Trillion pesos. Hindi pa po natin isinasama riyan ang violations ng multiple channels,” ani Marcoleta.
Nagkasala rin umano sa batas ang ABS-CBN sa paggamit sa Amcara broadcast network dahil ang transmitter na ginagamit ay ang nasa Mo. Ignacia St., Quezon City na pag-aari ng mga Lopez.
“Sa kabila ng pagsiguro sa atin ni Ginoong Carlo Katigbak na sarado na ito (transmitter ng ABS-CBN) dahil siya raw mismo ang nag-utos. Marami ang makakasuhan ng perjury dito,” ani Marcoleta.
“Hindi lang ang Filipino citizenship ni Ginoong Lopez ang kaduda-duda. Maging ang titulo ng ABS-CBN sa mga pag- aaring biglang naibalik sa kanila pagkatapos ng Edsa revolution ay kaduda-duda rin,” ayon pa sa mambabatas.
Sinabi rin ng mambabatas na ginamit ng pamilya Lopez ang Big Dipper, na nakarehistro sa Philippine Economic Zone Authority (PEZA) para makaiwas ang mga ito na magbayad ng tamang buwis.
Lumabag din umano ang kumpanya sa Labor Practices Act nang hindi nila iregular ang kanilang mga empleyado kahit matagal nang nagsilbi sa kanila at pinalalabas na 11,000 ang kanilang mga manggagawa gayung ang totoo ay 1/3 lamang sa mga ito ang regular employees.
Ngayon ay ginagamit umano ng kumpanya ang mga manggagawa nila para sa kanilang interes at para maaprubahan ang kanilang prangkisa subalit pinagdamutan nila ang mga ito.
Hindi rin umano maitatanggi ang pagiging biased ng ABS-CBN sa mga politiko dahil naghuhumiyaw ang katotohanan na mayroon silang pinapaborang kandidato tuwing eleksyon.
“Kapag gusto ka ng ABS-CBN bibigyan ka ng exposure sa pamamagitan ng interview, balita sa news, program at ipi- feature ka sa mga entertainment show. Kung ayaw ka, tiyak na babatikusin ka, hahanapan ka ng butas, lalagyan ka ng slant o anggulo sa balita na sangkot ka at hindi ka bibigyan ng pagkakataon para sumagot at magpaliwanag,” dagdag pa ni Marcoleta. (BERNARD TAGUINOD)
