P1.35-M AYUDA IPINAABOT NI PBBM SA TACLOBAN SCHOOL SHOOTING VICTIMS

NAGPAABOT si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ng kabuuang P1.35 milyong pinansiyal na tulong sa mga pamilya ng mga estudyanteng nasawi at nasugatan sa pamamaril sa isang paaralan sa Tacloban City.

Ayon kay Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, labis na nalungkot ang Pangulo sa trahedyang kumitil sa buhay ng mga kabataan.

“Nakakadurog-puso, iyan ang naramdaman ni Pangulong Marcos Jr. sa pangyayari sa Tacloban kung saan may mga kabataan na nagbuwis ng buhay para masagip ang ibang kamag-aral,” ani Castro.

“Mga kabataan ang nabibiktima at mga kabataan din ang nambibiktima,” dagdag pa niya.

Batay sa anunsyo ng Malakanyang, makatatanggap ng tig-P150,000 ang pamilya ng tatlong estudyanteng nasawi, habang tig-P50,000 naman ang 18 estudyanteng nasugatan.

Nilinaw ni Castro na bukod pa ito sa tulong na naibigay na ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan, kabilang ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Education (DepEd).

Samantala, sinabi ni Castro na nauunawaan ng Malakanyang ang panawagan ng mga pamilya ng biktima na hindi lamang manatili sa pangangalaga ng DSWD ang mga menor de edad na suspek.

Ipinaliwanag niya na inilalagay ang mga child in conflict with the law sa mga pasilidad ng DSWD para sa reformation at rehabilitation at hindi sa mga regular na kulungan para sa mga adult.

Gayunman, tiniyak ng Malakanyang na sisikapin ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na makamit ng mga biktima at kanilang pamilya ang hustisya.

Samantala, ikakasa ng DepEd ang malawakang pagpapatupad ng isang multi-layered security strategy sa mga paaralan bilang bahagi ng School Safety Campaign kasunod ng Tacloban shooting.

Kabilang sa mga hakbang ang paggamit ng handheld metal detectors sa inspeksyon ng mga bag, mas mahigpit na visitor management system, regular na bag inspection, paglalagay ng CCTV cameras, pagdaragdag ng security personnel, at pagsasagawa ng safety audits sa mga school facilities.

Makikipag-ugnayan din ang DepEd sa Philippine National Police (PNP), Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP), Liga ng mga Barangay, DSWD at Department of Health (DOH) upang higit pang mapalakas ang seguridad sa mga paaralan.

(CHRISTIAN DALE)

70

Related posts

Leave a Comment