HOUSE PROSECUTION, SINISILIP POSIBLENG ANTI-DUMMY LAW ISSUE SA NEGOSYO NI VP SARA

INURIRAT ng House prosecution kung bakit idineklara ni Vice President Sara Duterte ang Gencorp Industries Inc. bilang kanyang negosyo sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), gayong lumalabas sa mga rekord ng gobyerno na hindi siya ang may-ari nito kundi isang kumpanyang pinamumunuan ng negosyanteng si Jaime T. Cruz.

Ayon kay House prosecution spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong, hindi basta incidental na pangalan lamang si Cruz matapos lumabas sa mga rekord ng Securities and Exchange Commission (SEC) na ang JTC Group of Companies Philippines Inc., na kinakatawan ni Cruz, ang may hawak ng halos 55 porsiyento ng Gencorp.

“‘Yung si Jaime T. Cruz, hindi lang po ito incidental na pangalan,” ani Alonto Adiong.

Batay sa mga rekord na inilahad sa impeachment trial, hindi lumalabas ang pangalan ni Duterte bilang stockholder ng Gencorp, kahit isinama niya ito bilang negosyo sa kanyang SALN.

“Tandaan natin na when she declared, when she submitted her SALN, andoon yung Gencorp. I think it’s too obvious to claim it as a mistake kasi sinumpaan mo pa ‘yun,” paliwanag ni Alonto Adiong.

Gayunman, sinabi ni House prosecution adviser Ace Barbers na kailangan pang mapatunayan ang ugnayan nina Duterte, JTC at Cruz bago masabing may paglabag sa Anti-Dummy Law, na nagbabawal sa paggamit ng ibang tao upang itago ang tunay na pagmamay-ari o interes sa isang negosyo.

“Merong dapat pang suriin mabuti na dokumento tungkol dito sa JTC o ‘yung Jaime T. Cruz na could be a trustee ng Pangalawang Pangulo,” ani Barbers.

“We cannot at the moment say na dummy ito,” dagdag niya.

Lumabas din ang pangalan ni Cruz bilang pinakamalaking orihinal na subscriber ng Metro City Chow Foods Corp., isang kumpanyang shareholder at director din si Duterte, pati na rin bilang incorporator sa ilan pang kumpanyang sinuri sa paglilitis.

Tinanong din si Barbers kung ang Jaime T. Cruz na lumitaw sa mga dokumento ay siya ring dating special envoy sa China noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

“We were told the same guy, no. But we have to confirm this,” tugon ni Barbers.

Posible umanong tawagin ng prosekusyon si Cruz bilang witness, bagama’t wala pang pinal na desisyon hinggil dito.

(TINA MENDOZA)

22

Related posts

Leave a Comment