PANIBAGONG SAMA NG PANAHON NAGBABANTANG PUMASOK SA PAR

BINABANTAYAN ngayon ng state weather bureau ang isang panibagong sama ng panahon na posibleng pumasok sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ngayong Martes o Miyerkoles, Setyembre 23.

Ayon sa PAGASA, isang low pressure area (LPA) ang namataan sa silangan ng bansa at nasa layong humigit-kumulang 2,090 kilometro silangan ng Eastern Visayas nitong madaling araw ng Lunes, Setyembre 21.

Sinabi ni PAGASA weather specialist Aldczar Aurelio na posibleng maging ganap na tropical cyclone ang LPA pagsapit ng Huwebes o Biyernes, Setyembre 24 o 25.

Kapag pumasok ito sa PAR at naging tropical cyclone, tatawagin itong “Queenie,” na magiging ika-17 tropical cyclone na pumasok sa monitoring area ng bansa ngayong taon.

Sa kasalukuyan, hindi pa gaanong mararamdaman ang epekto ng binabantayang sama ng panahon dahil malayo pa ito sa bansa.

Samantala, patuloy na nakaaapekto ang mahinang southwest monsoon o habagat sa kanlurang bahagi ng Southern Luzon.

Inaasahan ang partly cloudy hanggang cloudy skies na may isolated rain showers o thunderstorms sa Palawan, Occidental Mindoro at Oriental Mindoro dahil sa habagat.

Localized thunderstorms naman ang maaaring magdala ng pag-ulan sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa.

Nagbabala ang PAGASA sa posibilidad ng flash floods o landslides sa mga lugar na makararanas ng matitinding thunderstorms.

(JESSE RUIZ)

37

Related posts

Leave a Comment