DETERMINADO ang isang human rights group na papanagutin si dating pangulong Rodrigo Duterte kaya kinalampag nito ang Department of Justice (DOJ) na makipagtulungan sa International Criminal Court (ICC) kaugnay sa umano’y extra-judicial killings (EJK) sa war on drugs.
Kahapon, kinalampag ng grupong Karapatan ang DOJ kasunod ng pahayag ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na nagsimula nang gumulong ang imbestigasyon ng binuong DOJ task force, ang posibilidad ng paghahain ng kaso laban sa dating pangulo kaugnay sa paglabag sa International Humanitarian Law, Genocide at iba pang Crimes against Humanity.
Ayon kay Karapatan secretary general Cristina Palabay, iniimbestigahan na ng ICC ang EJK na nagawa sa Duterte drug war simula noong 2018.
Saad pa ni Palabay na ang pagbalewala sa ganitong realidad ay magpapahaba lamang sa buong proseso at magbubukas umano sa manipulasyon ng kampo ng dating pangulo bukod pa sa pagpapahaba ng paghihirap ng pamilya ng mga biktima na matagal nang naghahanap ng hustisya para sa kanilang mga mahal sa buhay.
Base sa human rights group, aabot sa 30,000 ang napatay sa kampanya kontra illegal drugs sa ilalim ng Duterte administration, malayo ito sa datos ng gobyerno na mahigit 6,000 indibidwal. (JULIET PACOT)
90