OVP CONFI FUNDS IDINIRETSO SA BAHAY?

INIUWI sa bahay sa halip dalhin sa tanggapan ng Office of the Vice President ang daang milyong confidential funds na winidraw sa bangko.

Ito ang teorya ng House committee on good government and public accountability na kanilang hinahanapan ngayon ng ebidensya.

Sa ika-6 na pagdinig ng komite sa umano’y maling paggamit sa confidential funds ng OVP at maging sa Department of Education (DepEd) na dating pinamumunuan ni Vice President Sara Duterte, ipinakuha ng mga kongresista ang mga CCTV footage mula sa pag-withdraw sa Landbank Mandaluyong at kung idineretso ito sa OVP.

Sa pagtatanong ni Iloilo Rep. Janet Garin, inamin ni Jean Abaya, branch manager ng Landbank sa Shaw Blvd., Mandaluyong City na mismong si Gina Acosta, special disbursing officer (SDO) ng OVP ang kumuha ng pera sa kanilang bangko sa tatlong okasyon na nagkakahalaga ng P125 million kada withdrawal noong 2023.

Dahil malaking halaga, nagsama umano ng apat katao si Acosta na nagkarga ng pera sa sasakyan dahil walang memorandum of agreement ang Land Bank na dadalhin nila ang pera sa OVP.

Upang masiguro na idineretso sa OVP office ang pera, nais ng mga mambabatas na makuha ang CCTV lalo na’t inamin ni Rosalynne Sanchez, Administrative and Financial Services Director ng OVP na maliit lang ang tanggapan ni Acosta at walang vault na pagtataguan ng malaking halaga.

Sa pagtatanong naman ni Senior Deputy Speaker Aurelio Gonzales Jr., sinabi ni Nenita Camposano, branch manager ng Land Bank sa DepEd compound na si dating Special Disbursement Officer (SDO) Eduard Fajarda ang nag-withdraw ng tig-P37 million sa tatlong okasyon mula sa confidential funds ng ahensya noong 2023.

Dahil dito, nais malaman ni Gonzales kung saan dinala ni Fajarda ang winidraw na pera lalo na’t malapit lamang umano sa DepEd Compound sa Pasig City ang bahay nito.

Sina Acosta, Fajarda kasama ang misis nitong si Sunshine Fajarda at OVP Assistant Chief of Staff at Bids and Awards Committee Chair Lemuel Ortonio na inisyuhan ng arrest warrant ay hindi pa rin nagpakita kahapon.

Samantala, dumalo sa pagdinig kahapon ang Chief of Staff ng OVP na si Atty. Zuleika Lopez subalit itinanggi nito na may nalalaman siya kung papaano ginamit ang confidential funds ng OVP. (BERNARD TAGUINOD)

98

Related posts

Leave a Comment