HUWAG SURVEY LANG BASEHAN SA PAGBOTO, PLATAPORMA RIN

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

ILANG araw na lang ang nakalaan para pag-isipan ng mga Pilipino ang pagpili sa mga kandidatong naghahangad ng puwesto sa gobyerno.

Ang adbokasiya para sa ikagaganda at ginhawa ang ilan sa mga hinahanap ng mga Pinoy sa pagboto ng mga kandidato, pero hindi ito pinapansin ng ilang kandidato.

Iba’t iba ang pagkilatis ng mga botante sa mga kandidato.

Pero sa pagkilatis ay suriin din dapat ang mga nagawa, paninindigan at pananaw sa mga isyung kinakaharap ng bansa.

Sa nakikita ko ay tila mas tinitingnan ang labas ng mga survey para sa tsansa ng mga kandidato na panalo.

Isa si dating DILG Secretary Benhur Abalos Jr. ang tila nahuhuli sa survey pero naging matunog ang kanyang pangalan dahil sa endorsement ni dating bise presidente Leni Robredo at celebrity na si Vice Ganda.

Maraming tumaas ang kilay dito. Gayunpaman, suriin natin ang plataporma ni Abalos dahil ito ang mas mahalaga.

Tabi muna natin survey-survey na ‘yan o endorso man.

Kung mahalal, ang ilan sa mga prayoridad niya ay reporma sa Rice Tariffication Law, abot-kayang pabahay at tax reforms, at reporma sa kuryente.

Ginhawa para sa mga Pilipino, lalo sa mahihirap ang layunin niya.

Isa na rin sa kanyang mga itataguyod sa Senado ay ang pag-akyat ng income tax exemption threshold, na dahilan ng mas malaking take home pay para sa mga manggagawa.

Nasa puso rin niya ang mga magsasaka kaya isusulong niya ang reporma sa RTL.

Hindi rin mapag-aalinlanganan ang mga nagawa ni Abalos para sa serbisyo sa mga tao. Kailangan natin ang mga abogadong mambabatas dahil bahagi ng kanilang trabaho ang gumawa ng batas.

Kung pagbabatayan ang mga nagawa ni Abalos ay masasabing higit pa sa kwalipikado ang pang-uring maglalarawan sa kanya bilang kandidato.

Kaya pagdating ng eleksyon, ikonsidera rin ang kandidatong may paninindigan at platapormang magbibigay ng dignidad sa buhay.

Manindigan din ang mga botante dahil sa eleksyon nakataya ang kinabukasan ng sambayanang Pilipino.

51

Related posts

Leave a Comment