KAPE AT BRANDY ni SONNY T. MALLARI
GRABE na ang nagaganap na mga aksidente sa ating lansangan resulta ng walang ingat na pagmamaneho lalo na sa mga pampublikong sasakyan.
Kamakailan ay 10 katao ang namatay at nasa 30 ang sugatan pagkatapos araruhin ng pampasaherong bus ang isang SUV sa Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEx) toll plaza. May iba pang grabeng aksidente na kinasangkutan din ng mga pampubliko at pribadong sasakyan.
Isa lang ang dapat sisihin sa mga pangyayaring ito – ang mga tiwaling opisyal ng Land Transportation Office (LTO). Hindi ko naman nilalahat. Pasensya na sa matatapat na mga empleyado. Ito ay hindi naman lingid sa kaalaman ng publiko na kahit sino ay pwedeng makakuha ng lisensya sa pagmamaneho basta’t may ipantatapal na kuwarta sa korap na tauhan ng LTO.
Sa driving schools pa lang – again, hindi naman lahat – na kasama sa proseso sa pagkuha ng lisensya, ay nagsisimula na ang hawsyawan. Dito pa lang ay aalukin ang sinomang aspiranteng tsuper na hindi na siya daraan sa lecture, test and driving examination basta’t may pambayad o pansuhol.
‘Yung mga hawsyaw na medical clinic at laboratory na kailangang daanan din ng kukuha ng lisensya upang malaman kung malinaw ang mata, walang topak at hindi gumagamit ng ilegal na droga – basta’t may perang aalpasan ang aplikante, lahat ay maaayos kahit may depekto.
Maging si PBBM ay nagagalit din sa mga nangyayari ngayon sa larangan ng transportasyon. Agad siyang nag-utos na rebyuhin ang sistema sa pagkuha ng lisensya. Inamin naman ni Transportation Secretary Vince Dizon: “The system is broken, we have to admit that. We have to fix it”.
Isa sa mga hakbang na gagawin ay ang mandatory drug test sa mga tsuper ng pampasaherong sasakyan tuwing ika-tatlong buwan kasangkot ang Philippine Drug Enforcement Agency.
Pero hindi ito sapat na hakbang upang harapin ang problema sa nakatatakot na lansangan ngayon.
Ang unang dapat na iwasto ay ang sistema sa LTO sa pagkuha ng lisensya sa pagmamaneho. Habang umiiral ang lagayan, suhulan at hawsyawan, hindi mawawala at bagkus ay lalo pang dadami ang mga iresponsableng tsuper – pampubliko man o pribado ang sasakyan.
Dahil sa umiiral na nakatatakot na sitwasyon ngayon sa ating mga kalye dahil sa mga gagong tsuper, dapat ang awtomatik na suspensyon ng lisensya ng sinoman na mapasasangkot sa aksidente o mahuhuling lumalabag sa regulasyon ng pagmamaneho.
At kung mapatutunayan ang kamalian ng tsuper – sabog sa droga, walang pakundangang paglabag sa batas at ang mas lalong malintik ay kung nagresulta ito sa pagkamatay ng kanyang biktima – nararapat na tanggalan na siya ng lisensya upang mawala na ang mga katulad niya sa kalye.
##########
Batay sa datos, mas maraming namamatay na mga tsuper at back-rider ng motorsiklo sa mga aksidente. Resulta ito nang biglang pagdami ng mga motorsiklo simula noong pandemya dahil sa maluwag na pagbili nito. Noon at hanggang ngayon, kung may P1K o P2K na pang-down payment, madaling magkakaroon ng motorsiklo.
Kaya naman isa nang pangkaraniwang tanawin sa kalye ang mga naghaharurutang motorsiklo kahit na walang suot na crash helmet ang nagmamaneho at ang angkas na kahit ilan basta’t kasya sa upuan na madalas na hindi naman pinapansin ng mga awtoridad sa kalye maliban lang kung may operasyon.
Kamakailan din lang ay naging laman ng mga balita ang mga nagkakarerang motorsiklo at pasikaterong riders sa bahagi ng Marilaque highway matapos na may matodas.
Mabilis na naglatag ng checkpoints ang mga pulis sa mga estratehikong lugar ng highway upang masawata ang mga karerista at stunt riders. Pero hindi nagtagal, balik na naman ang mga walang kinatatakutang motorcycle riders dahil wala na muli ang presensya ng awtoridad.
Sa parte ko bilang isang motorista araw-araw, pangkaraniwang tagpo sa akin ang makakita ng mga tinatawag na “kamote riders” pati na rin ang kanilang walang-ingat na pag-overtake sa kaliwa’t kanan ng aking sasakyan gayundin ang mga tsuper ng iba pang sasakyan. Wala na talagang disiplina.
Noon, sa galit ko ay sinisigawan ko sila kasabay ng malutong na pagmumura. Pero dahil sinasapok ako ng misis ko (andres de saya kasi) kapag kasama ko siya sa biyahe, binago ko na lang ang reaksyon ko.
Hindi na ako nag-iinit ng ulo. Hindi na rin ako sumisigaw at nagmumura. Nagkukurus na lang ako kasabay sa pag-usal ng: “Sumalangit nawa ang iyong kaluluwa”.
Noong una itong madinig ng kumander ko, nagulat siya at tinanong ako sa pagbabago ng aking reaksyon. Simple lang ang paliwanag ko.
Kako, sa estilo ng kanyang pagmamaneho ay malapit siya sa aksidente. At dahil walang pakundangan sa pagpapatakbo ng kanyang sasakyan, at wala pang suot na helmet ang nagmomotorsiklo, sa sandaling siya mismo ang maaksidente, iisa ang tiyak na resulta – dedbol siya.
At bilang isang mabait na Kristiyano ay nag-uukol na agad ako ng dalangin para sa kanilang kaluluwa. Matutuwa pa sa akin si San Pedro. AMEN.
##########
Sa susunod na kolum ko ay tapos na ang eleksyon. Wala pang isang araw pagkatapos ng halalan ay batid na natin ang nagwaging kongresista at mga lokal na opisyal. Bibilang pa ng ilang araw bago pa natin malaman kung sino ang mananalong 12 senador.
Sana, sana…naging matalino tayo sa ginawa nating pagboto sa 12 upang hindi tayo muling madenggoy.
Dahil kung muli na naman tayong magkakamali, hindi magkakaroon ng makabuluhang pagbabago sa ating gobyerno at hindi na makakaahon ang maraming mamamayan sa kinasasadlakang kahirapan sa buhay. Kawawa ang susunod na henerasyon ng mga Pilipino.
