TINIYAK ni Impeachment Court Spokesman Atty. Reginald Tongol na magpapatuloy ang pagdinig ng Impeachment Court sa kaso ni Vice President Sara Duterte kahit idulog sa Supreme Court ang bagong ruling kaugnay ng pagtukoy sa voting threshold para sa conviction.
Sinabi ni Atty. Reginald Tongol na maaaring idulog ng sinuman sa Supreme Court ang usapin dahil available na remedyo ang petition for certiorari sa ilalim ng Rule 65 ng Rules of Court.
Una nang sinabi nina Atty. Michael Poa at Atty. Sheila Sison ng defense team ni Vice President Sara Duterte na plano nilang dalhin sa Supreme Court ang usapin.
Ayon kay Tongol, ang Supreme Court ang final arbiter sa mga usaping may kaugnayan sa interpretasyon ng Konstitusyon sa pagitan ng iba’t ibang sangay ng pamahalaan.
Gayunman, nilinaw niya na kailangang maipakita na may naganap na grave abuse of discretion sa panig ng sangay ng pamahalaan na kinukuwestiyon.
Hindi rin umano awtomatikong magpapahinto sa impeachment trial ang paghahain ng petition for certiorari.
Ipinaliwanag ni Tongol na nakasaad sa Rule 65 na hindi dapat maantala ng naturang petisyon ang proceedings dahil isa itong interlocutory remedy.
Kung walang ipalalabas na temporary restraining order (TRO), magpapatuloy ang proceedings ng Impeachment Court.
(DANG SAMSON-GARCIA)
81 