PALASYO SA PORK BARREL TAG SA LGSF: INTRIGA LANG NI ERICE

TINAWAG ng Malacañang na “intriga lamang” ang alegasyon ni Caloocan City Representative Edgar Erice na nagsisilbing “presidential pork barrel” ang panukalang P58.53-billion allocation para sa Local Government Support Fund (LGSF) sa 2027 national budget.

Ang pahayag ay ginawa ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Atty. Claire Castro matapos sabihin ni Erice na mapipilitan siyang kuwestiyunin sa Supreme Court ang patuloy na paglaki ng pondo ng LGSF sa 2027.

Ayon kay Erice, kapag nilagdaan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang P7.2-trillion 2027 General Appropriations Act, agad siyang dudulog sa Supreme Court upang kuwestiyunin ang constitutionality ng naturang pondo.

“Karapatan niyang tumakbo kahit saang korte pero dapat siguraduhin lamang po niya na mayroong basehan dahil kung mabibigyan lamang siya o aaralin po niya ang proseso kung paano nairi-release ang LGSF sa mga LGU (local government units), malamang ay maliwanagan po siya,” ani Castro.

Sinabi naman ni Erice na ang LGSF ay parang “blank check” na ibinigay ng Kongreso kay Pangulong Marcos dahil aniya, nasa Pangulo ang pagpapasya kung magkano at aling mga LGU ang bibigyan ng pondo.

Inihalimbawa ni Erice ang Naga City, na umano’y nabigyan ni Pangulong Marcos ng P500 milyon kahit itinuturing na mayamang lungsod. Gayunman, nilinaw niyang hindi niya kinukuwestiyon ang naturang alokasyon at ginamit lamang ito bilang halimbawa sa paraan ng paggamit ng LGSF.

Samantala, sinabi ni Castro na bagama’t ayaw na niyang muling banggitin ang pangalan ni dating Vice President Leni Robredo sa usapin, naipaliwanag na umano nito kung paano nag-apply ang isang local government para sa LGSF.

Sa isang Facebook post, sinabi ni Robredo na sinubukan niyang makahanap ng pondo para sa rehabilitation ng isang proyekto matapos niyang maupo sa puwesto noong 2025, ngunit naging mahirap ito dahil sa malaking halagang kinakailangan.

Ayon kay Robredo, pinayuhan siya ni Senator Kiko Pangilinan na maaaring mag-apply para sa LGSF dahil sa uri ng proyekto, na ginawa naman umano ng kanilang lokal na pamahalaan.

Tinukoy din ni Castro ang naging ruling ng Supreme Court sa Belgica v. Executive Secretary, at iginiit na hindi ipinagbabawal ng mataas na hukuman ang LGSF.

“Hindi po ipinagbabawal ng Supreme Court ang LGSF,” ani Castro.

(CHRISTIAN DALE)

86

Related posts

Leave a Comment