IATF sa publiko PASAWAY NA TSUPER, KONDUKTOR ISUMBONG

NAGPASAKLOLO na ang Inter-Agency Task Force (IATF) sa publiko na iparating sa kanila sa pamamagitan ng social media ang mga tsuper at konduktor na lumalabag sa health protocol.

Inulan kasi ng mga reklamo ang IATF laban sa mga tsuper ng jeepney, bus pati na ang mga konduktor na walang face mask at kung mayroon man ay hindi naman tama ang pagsusuot o nakasabit lang sa tainga at hindi nakatakip sa ilong at bibig ngayong nagluwag na sa dami ng mga pasahero sa mga pampublikong sasakyan.

Ayon kay IATF co-chairman at Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles, maaaring ipadaan sa social media ng isang netizen ang nakita nitong hindi tama at mula ruon ay kanila aniya itong aaksiyunan.

Giit nito, malaking tulong na pati ang publiko ay nagpu-pulis sa kapaligiran at hindi lamang ang gobyerno.

Kaya apela ng Kalihim, tulungan sila sa pagmo-monitor ng mga panuntunang ipinatutupad sa gitna ng ginagawang pagsisikap ng pamahalaan upang maiwasan ang pagkalat pa ng COVID-19 lalo na’t nagluluwag na sa restrictions kasama na ang transportasyon.

“Pwede namang ipadala ang reklamo kahit sa social media. Piktyuran ninyo…para we can act on it. Para pati mga kababayan natin nagpo-police sa mga lumalabag…hindi lang gobyerno,” ayon kay CabSec Nograles.

 

GCQ hanggang Disyembre

Kaugnay nito, nais ng Metro Manila mayors na manatili sa general community quarantine (GCQ) ang National Capital Region hanggang sa matapos ang taon habang nagpapatuloy ang banta ng COVID-19.

Sa Palace briefing ay sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority General Manager Jojo Garcia na nais ng MM mayors na manatili sa GCQ status ang NCR habang unti-unting pinagagaan ang “business, travel, and curfew restrictions” para makatulong na muling masimulan ang ekonomiya na labis na naapektuhan ng pandemiya.

Ang Metro Manila, epicenter ng SARS-CoV-2 outbreak sa bansa ay isinailalim sa lockdown simula pa noong kalagitnaan ng Marso.

 

Apela sa outbound passengers

Samantala, pinayuhan ng Inter-Agency Task Force (IATF) ang mga nagbabalak na bumiyahe palabas ng bansa na magkaroon ng kaukulang koordinasyon sa kanilang mga napipiling Airline company.

Ito’y sa gitna ng pagsisimula na ng non-essential outbound travel mula ngayong Oktubre 21 kasunod ng IATF approval na pwede na ang international travel.

Sinabi ni IATF co-chairman Cabinet Secretary Karlo Alexei Nograles, mahalaga na alamin muna ng mga biyahero ang polisiyang ipinatutupad ng bansang nais nilang puntahan.

Aniya, sa pamamagitan ng koordinasyon sa preferred airline company ay malalaman din ng isang biyahero kung anu-anong mga bansa ang tumatanggap at hindi tumatanggap ng travellers na galing ng Pilipinas. (CHRISTIAN DALE)

165

Related posts

Leave a Comment