P66-B DPWH PROJECTS ‘NATENGGA’ KAY SEC. VILLAR

NELSON S. BADILLA

WALANG maipagmamalaki si Secretary Mark Villar batay sa ulat ng Commission on Audit (COA) na halos P66 bilyong halaga ng mga proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ay hindi natapos sa itinakdang petsa.

Nakasaad sa COA 2019 Report na ang P66 bilyon, o eksaktong P65,988,738,735, ay ang kabuuang halaga ng 1,740 mga proyekto ng DPWH.

Ang naturang multibilyong halaga ng 1,740 mga proyekto ay bahagi ng 2,411 proyekto ng DPWH mula 2015 hanggang 2019 na P101.69 bilyon ang kabuuang presyo ay sumailalim sa ebalwasyon at pagsisiyasat ng COA.

Sabi ng COA, ang 1,740 mga proyekto ng DPWH “were not finished or completed within the specific contract time or required completion date”.

Sinuspinde naman ang 550 mga proyekto na ang kabuuang presyo ay P31.05 bilyon.

Mayroon ding 40 mga proyekto na tinatayang P1.44 bilyon ang halaga ang hindi itinuloy.

Kasama rin sa ulat ng COA ang 81 mga proyektong P3.2 bilyon ang sinabing “have not been started at all during the year.”

Nabanggit din sa parehong ulat na 214 na mga proyektong paaralan at mga kalsadang manggagaling sa mga bukid patungong palengke ang pumalpak.

Ayon sa COA, ang rason ng DPWH ay mga bagyo, masamang panahon at “numerous suspension orders, time extensions and variation orders issued by DPWH offices”.

Maliban sa bagyo at masamang panahon, idiniin ng COA na ang DPWH “should have been considered and resolved during the preliminary engineering study on the viability of the project and pre-construction activities”.

Sa kabila ng P66 bilyong halagang nakataya sa 1,740 mga proyekto, hindi binawi o tinapos ng DPWH ang mga nasabing proyekto, bigwas ng COA.

Hindi rin naparusahan at pinagmulta ang mga pilyong kumpanya at kontratista.

Kamakailan, inamin ni Duterte na hanggang ngayon ay talamak ang katiwalian at korapsyon sa nasabing ahensya.

Sa kabila ng pahayag ng pangulo, hindi ito ang sentro ng kampanya laban sa korapsyon ni Duterte, kundi ang Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth), ayon sa tagapagsalita ng pangulo na si Secretary Harry Roque Jr.

Matatandaang hanggang Disyembre ang tudlang ibinigay ni Duterte kay PhilHealth president at chief executive officer Dante Gierran upang matuldukan ang garapalang korapsyon at pandarambong sa ahensiya.

Si Villar na anak nina dating Senate President Manny Villar at Senadora Villar ay itinalagang sekretaryo ng DPWH ni Pangulong Rodrigo Duterte noong Hunyo 30, 2016.

 

Hindi korap

Kaugnay nito, ipinagtanggol ni Pangulong si Secretary Villar sa isyu ng korapsyon.

Giit ng Pangulo sa kanyang public address, Lunes ng gabi, napakaraming pera ni Sec. Villar para maging corrupt.

Naniniwala ang Pangulo na nasa “lower offices” ang mga sangkot sa korapsyon.

“Si Villar, mayaman. Maraming pera. Hindi niya kailangang mangurakot. Ang problema, sa baba. Malakas pa rin hanggang ngayon. Sa mga projects sa baba, ‘yon ang laro diyan,” ayon kay Pangulong Duterte..

Pangunahin aniya rito ang mga project engineer na kasabwat ang mga tiwaling contractors.

Ayon kay Pangulong Duterte, walang konstruksyon na uumpisahan kung walang transaksyon o lagayan.

Kaya hinihikayat ni Pangulong Duterte ang Kongreso na busisiin ang mga proyekto sa ilalim ng DPWH para malaman ang sinasabi niyang transaksyon. (May dagdag na ulat si CHRISTIAN DALE)

210

Related posts

Leave a Comment