NANINDIGAN ang Malakanyang na maaaring agad ipatupad sa Pilipinas ang arrest warrants na inilabas ng International Criminal Court kahit wala nang pag-apruba mula sa lokal na korte.
Binigyang-diin ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na nananatili itong ginagabayan ng batas at due process.
Sa isang panayam, sinabi ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na malinaw na ang posisyon ng gobyerno hinggil sa ICC warrants batay sa naging pahayag ng Department of Justice (DOJ).
“Nagsalita ang DOJ na ngayon, pinapa-effect ang warrant of arrest mula sa ICC. So, tingin ko, maliwanag naman kung ano yung stance ng Pangulo dito, ng gobyerno,” ani Castro.
Pinanindigan din ni Castro na hindi na kailangang dumaan pa sa korte ng Pilipinas ang ICC warrants bago ipatupad, batay umano sa Republic Act No. 9851 o Philippine Act on Crimes Against International Humanitarian Law, Genocide and Other Crimes Against Humanity at sa legal opinion na unang inilatag ni Solicitor General Darlene Berberabe.
“Hindi kailangan dumaan sa local court. Meron tayong RA 9851. Nakasaad doon kung ano ang opsyon ng pagtugon ng gobyerno,” dagdag ni Castro.
Sinabi rin ni Castro na kung may susunod pang ICC warrants laban sa iba pang personalidad na iniuugnay sa war on drugs ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ay agad din itong ipatutupad.
Kaugnay nito, sinabi ni Castro na inatasan na ni Justice Secretary Fredderick Vida ang law enforcement agencies na ipatupad ang warrant laban kay Senador Ronald dela Rosa matapos tumanggi ang Korte Suprema na magpalabas ng temporary restraining order.
“Yung instruction… sinabi ni Justice Secretary Fredderick Vida na i-effect ang warrant of arrest. So, lahat po ng law enforcers na may authority na mang aresto kay Sen. Bato, yun po yung gagawin,” ani Castro.
Gayunman, nilinaw ni Castro na wala pa silang natatanggap na impormasyon hinggil sa posibleng bagong ICC warrants laban sa iba pang personalidad.
“Pero hindi ito kataka-taka kung meron man. Dahil marami pang co-perpetrators na nabanggit ang ICC,” dagdag niya.
Naniniwala rin si Castro na dapat maintindihan ng mga personalidad na sangkot sa drug war ang kahulugan ng arrest warrant at kusa na lamang sumuko kung wala namang inilalabas na TRO ang Korte Suprema.
Samantala, tiniyak naman ng Malakanyang na nakatutok si Pangulong Marcos Jr. upang matiyak na masusunod ang batas at tamang legal na proseso sa usaping ito.
(CHRISTIAN DALE)
63 