HINDI kinontra ng Malakanyang ang paghahain ng reklamong plunder ng isang doktor laban kay Executive Secretary Ralph Recto kaugnay ng kontrobersyal na paglilipat ng pondo ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth sa National Treasury.
Ayon kay Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro, may karapatan ang sinoman na magsampa ng kaso.
“Ang tanong na lamang diyan ay ito ba ay mananalo o ito ba ay madi-dismiss? So, hintayin na lang po natin,” ani Castro sa press briefing sa Malacañang.
Sa reklamong inihain, kinuwestiyon ang paglilipat ng bilyun-bilyong “unused” PhilHealth funds dahil posible umanong naapektuhan nito ang benepisyo at serbisyong dapat para sa mga miyembro ng PhilHealth.
Kasama rin sa reklamo ang alegasyong nilabag ang Universal Health Care Act at National Health Insurance Act.
Matatandaang iniutos noon ng Supreme Court ang pagbabalik ng ₱60 bilyong pondo sa PhilHealth at pinigilan ang karagdagang paglilipat ng pondo matapos makita ang posibleng paglabag sa batas.
Samantala, iginiit noon ni Executive Secretary Recto na ginawa niya ang naturang hakbang nang may “good faith” at alinsunod umano sa mandato ng Kongreso. Aniya, wala rin umano siyang criminal liability kaugnay ng isyu.
(CHRISTIAN DALE)
83 