(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
MAAARING kwestyunin ng sinomang registered voter o taxpayer sa Korte Suprema o sa House of Representatives Electoral Tribunal (HRET) ang kontrobersiyal na pag-upo ni Tingog party-list Rep. Yedda Romualdez sa Kamara sa ikaapat na termino.
Ayon kay Election Lawyer Romulo Macalintal, hindi lamang kasi political opponents ang maaaring kumontra sa pag-upo ng maybahay ni Speaker Martin Romualdez.
Aniya, mahalagang mabigyan ng resolusyon ang pag-upo ni Yedda sa ikaapat na termino bilang miyembro ng House of Representatives dahil magiging “precedent” na ito.
“Kung walang kukuwestiyon dito at mapapayagan lang, lalabas na pwedeng magpalit ang mga District representative tapos party-list representative naman,” paliwanag ni Macalintal.
Kontrobersiyal ang pag-upo ni Yedda dahil kahit ika-6 na nominee siya ng Tingog Party-list ay siya ang nahirang na umupo sa third seat ng party-list sa Kamara matapos sabay-sabay nag-resign ang kanilang 3rd, 4th at 5th nominee.
Ang Tingog ay nakakuha ng 3 congressional seat sa nakalipas na eleksyon, uupo bilang congressman ng partido sina Andrew Romualdez, panganay na anak ng mag-asawang Romualdez, Rep. Jude Acidre at si Yedda.
Bukod dito, ikaapat na termino na ni Yedda sa Kamara na paglabag sa Article VI ng Konstitusyon na malinaw na nagtatakda na 3 consecutive terms lamang dapat maupo ang isang congressman.
Si Yedda ay naka-3 magkakasunod na termino na bilang kongresista: bilang Leyte District Representative noong 2016 hanggang 2019 at Tingog representative mula 2019 hanggang 2022, at 2022 hanggang 2025.
Ipinaliwanag ni Commission on Elections (Comelec) Chairman George Garcia na “grey area” ang probisyon ukol sa 3 consecutive terms, depensa nito, pinayagan ng Comelec ang pag-upo ni Yedda dahil magkaiba naman ang kanyang “constituents” sa kanyang 3 termino.
Ang una ay sa district at ang dalawang termino ay party-list kaya hindi ito masasabing “three consecutive terms” dahil magkaiba ang constituents.
Ipinaliwanag ni Macalintal na ang interpretasyon sa “3 consecutive terms” ay 3 beses na naging miyembro ng Kamara, malinaw umano na pasok dito si Yedda dahil 3 beses itong gumanap bilang miyembro ng House of Representatives at malinaw ang intensyon ng batas na limitahan ang termino.
Sinabi ni Macalintal na tanging ang Kataas-taasang hukuman ang makapipigil sa pag-upo ni Yedda kung magpapalabas ito ng Temporary Restraining Order.
Sa tanong kung paano ang magiging hakbang, sinabi ni Macalintal na maaarimg dumulog sa SC at maghain ng petition for certiorari na kukuwestiyon sa desisyon ng Comelec na iprinoklama si Yedda o sa HRET sa pamamagitan ng petition for quo warranto kung saan kukuwestiyunin naman ang kanyang kwalipikasyon.
Pinaalala ni Macalintal na may prescriptive period sa paghahain ng reklamo, sa SC ay 30 days mula nang ibaba ng Comelec ang desisyon na nagpoproklama kay Yedda habang 15 days upon assumption of duty sa HRET.
Aminado si Macalintal na kung walang haharang sa nasabing isyu ay ganito na ang magiging sistema sa hinaharap kung saan maaaring magpalit ang mga congressman bilang district representative at party-list representative para makapanatili sa pwesto at makaiwas sa 3 consecutives term limitation.
