NAKAABANG ang posibilidad na ma-isyu ang immigration lookout bulletin order (ILBO) laban kay Batangas 1st District Congressman Leandro Leviste sakaling tumanggi itong humarap at sagutin ang alegasyon ng qualified human trafficking laban sa kanya at iba pa.
Sa regular press conference sa DOJ, sinabi ni Justice Secretary Fredderick A. Vida na maaaring mag-isyu ng ILBO ang Bureau of Immigration (BI), na nasa ilalim ng DOJ, laban kay Leviste.
Masusing sinusuri ng DOJ ang referral ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng kaso, kabilang ang kahilingan nitong maglabas ng ILBO laban kay Leviste at iba pang iniuugnay sa umano’y “honey trap” scheme.
“Posible,” maikling sagot ni Vida nang tanungin kung maaaring ma-ILBO si Leviste.
Ipinaliwanag ng kalihim na maaaring maglabas ng ILBO laban sa isang taong nahaharap sa kasong kriminal, alinsunod sa umiiral na proseso.
Sinabi ni Vida na ni-refer sa DOJ noong Setyembre 4 ang usapin at kasalukuyan pa itong sinusuri.
(JULIET PACOT)
40 